MALAKING NEGOSYO ANG COMMON TOWER NI RJ JACINTO – SOLON

CELL SITE TOWER

WALANG ibang nakikitang dahilan ang isang mambabatas kung bakit itinutulak ni Presidential Adviser on Economic Affairs and Information Technology Communications Ramon “RJ” Jacinto ang common tower sa telecommunication industry kundi  “malaking negosyo”.

Sa panayam ng Saksi Ngayon News Break Online kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, sinabi nito na kontra sila sa nais mangyari ni Jacinto dahil wala silang nakikitang pakinabang dito ang mga consumers kundi malaking negosyo lang sa papaborang negosyante.

“Ang danger nya (common tower), nasa kontrol ng private at negosyo yan,” ani Zarate dahil base sa nais mangyari ni Jacinto, dalawang pribadong kumpanya ang magtatayo ng mga cellsite towers kung saan dito kakapit mga telecommunication companies.

Taliwas ito aniya sa nais nilang mangyari na dapat ang estado ang magtatayo ng cellsite towers at hindi ang mga pribadong kompanya na walang ibang interest aniya kundi kumita lamang.

“Di kami pabor dyan dahil kahit anong pakete mo dyan na it will provide better services sa telecommunications eh ano pa rin dyan eh, may nagmo-monopolize dyan eh. Tapos ano nga dyan,  motive forces ay ganansya, tubo, kita at the expense na naman ‘yan ng mga consumers,” ani Zarate.

Ang common tower ni Jacinto ang dahilan kung bakit nagkakaroon sila ngayon ng hindi pagkakaintindihan ni outgoing  Department of Information and Communication Technology (DICT) acting Secretary Eliseo Rio Jr., na tila hindi pabor sa ideya ng una.

Naniniwala ang kongresista na tila nakakita si Jacinto ng business opportunity sa kabiguan ng mga telcos na magtayo ng maraming tower kaya itinutulak nito ang kanyang ideya na magkaroon na lamang ng common tower subalit hindi ang gobyerno ang magtatayo kundi pribadong negosyante din.

“So ang mangyayari nyan hindi mo naso-solve ang problema actually. You’re not solving the problem ng quality at efficient service nung telecommunications companies. Nagbigay ka lang ng negosyo dyan, pero hindi natin sinasabi na gaganda ang serbisyo nila,”dagdag pa ng kongresista.

 

 

9

Related posts

Leave a Comment