(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI magtatagumpay si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pagpatay sa mga small time pushers at users lamang.
Ito ang pahayag ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano kasunod ng banta ni Duterte na mas malupit na war on drugs ang kanilang ikakasa upang maresolba ang problemang ito bago matapos ang kanyang termino.
“Ang impact ng isang programa ng gobyerno ay hindi dapat sinusukat sa dami ng napatay kundi sa dami ng buhay na nailigtas o nabago dahil dito. Count lives saved, not lives murdered,” ani Alejano.
Nilinaw ni Alejano na suportado umano nito ang kampanya laban sa ilegal na droga subalit hindia paraan na nangyayari ngayon kung saan, pinapatay ang mga pinagsususpetsahang tulak o gumagamit ng ilegal na droga.
Ayon sa mambabatas, kung talagang nais ni Duterte na magtagumpay siya sa giyera laban sa ilegal na droga, kailangan solusyunan aniya ang iba pang aspeto sa problemang ito tulad ing isyu ng kalusugan, lalo na ang kahirapan.
“Kung hindi mabibigyang solusyon ang iba pang aspeto ng problemang ito, kahit gaano pa karahas ang gawing hakbang ng gobyerno ay hindi rin magtatagumpay,” ayon pa sa mambabatas.
Base sa datos ng Philippine National Police (PNP), umaabot sa 5,050 ang napatay sa police operation laban sa ilegal na droga mula Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2018 matapos manlaban ang mga suspek.
Gayupaman, mahigit 20,000 na pinahihinalaang drug pusher at user’s ang napatay ng mga riding in tandem mula noong Hulyo 2016.
165