SUPORTADO ni Presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion III ang mandatory vaccination laban sa COVID-19.
Sa isinagawang Laging Handa briefing, sinabi ni Concepcion na suportado niya ang panukalang mandatory vaccination kapag nabigo ang bansa na makamit ang sapat na bilang ng mga taong dapat mabakunahan para mapagtagumpayan ang herd immunity.
“We will support it kasi if we don’t reach herd immunity, masisira ‘yung bansa natin. Hindi lang tataas ‘yung infection ang mangyayari dito, mawawala ang maraming negosyo magsasarado,” ayon kay Concepcion.
“Kung mangyayari ‘yan, lahat ng mga empleyado namin baka mawalan ng trabaho. Kung mangyari ‘yan babagsak ang economy,” dagdag na pahayag nito.
Sinabi naman ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na kailangan ng Pilipinas ng 15 million doses of COVID-19 vaccine para makamit ang herd immunity bago matapos ang taon.
Sa ulat, sa pamamagitan ng viva voce voting ay pinagtibay ng Kamara ang House Bill 8558 o “Mandatory Immunization Program Act,” na layong palawigin ang mandatory immunization program ng pamahalaan. (CHRISTIAN DALE)
