MARCOS AT MGA KASABWAT LANG BUSOG SA 2024 BUDGET

TANGING si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at mga kasabwat nito ang makikinabang sa P5.768 trillion budget sa susunod na taon.

Ito ang alegasyon ng Gabriela party-list na kinakatawan ni Rep. Arlene Brosas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos busisiin ang nasabing pondo na ngayon ay nakasalang sa committee deliberation sa Kamara.

“The promises of the 2024 National Expenditure Program (NEP) to ‘strengthen the capabilities’ and ‘protect the purchasing power of the people,’ is really nothing more than lip-service. All who stand to gain from its allocations are Marcos and his cohorts, as evidenced by the bloated funding for corruption and repression,” ani Clarice Palce, Secretary-General ng Gabriela.

Sinabi nito na lalong maghihirap ang mga Pilipino lalo na ang kababaihan sa susunod na taon dahil habang pataas nang pataas ang debt-servicing budget ay pabawas naman nang pabawas ang pondo para sa serbisyo publiko.

Patuloy rin aniyang bumabagsak ang economic growth ng bansa na mula 7.7% at 7.1% sa ikatlo at huling bahagi ng 2022 ay naging 6.4% na ito noong unang bahagi ng 2023 at bumagsak pa sa 4.3% sa ikalawang bahagi.

Samantala, maliban sa cancer funds, nadale sa budget cut ang sektor ng kalusugan kung saan maging ang mismong pondo ng Department of Health (DOH) ay nabawasan ng sampung bilyong piso.

Ito ang lumabas sa pag-analisa ni House Deputy Speaker Ralph Recto sa P5.768 trillion pambansang budget sa 2024.

Ayon sa mambabatas, mula sa P500 million, ang Cancer Control Funds ay magiging P1 bilyon na sa susunod na taon.

Gayunpaman, nabawasan aniya ng 10 billion ang budget ng DOH dahil mula sa kasalukuyang P209.1 billion P199.1 billion na lamang ito sa susunod na taon.

Maging ang Medical Assistance for Indigent Fund (MAIF) na ginagamit para mabawasan ang hospital bills ng mahihirap na pasyente ay nabawasan umano ng P10 billion dahil P22.2 billion na lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) mula sa kasalukuyang P36.6 billion.

(BERNARD TAGUINOD)

79

Related posts

Leave a Comment