LALONG nagiging bulnerable umano sa fake news ang mga estudyante sa mga public school dahil kay Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte.
Ginawa ni ACT party-list Rep. France Castro ang pahayag dahil patuloy aniyang nirered-tag ni Duterte ang kanilang organisasyon na binubuo ng mga public school teacher na naghahangad lang ng pagbabago sa sistema ng edukasyon sa bansa.
“Students are indeed vulnerable to fake news especially if the Secretary of the Department of Education and concurrent Vice President herself is the No. 1 red-tagger in government,” pahayag ni Castro.
Noong Huwebes aniya, ginamit ang Management Committee meeting ng mga School Division Superintendents na ginanap sa Quezon City para ired-tag muli siya kasama si dating Bayan Muna party-list Rep. Satur Ocampo.
Kasama aniya sa napagmitingan ang sitwasyon ng komunista sa bansa at ang pagkakasangkot umano nila ni Ocampo sa pagkidnap sa 14 kabataang Lumad sa Mindanao.
“Is this where the humongous confidential funds of the DepEd go? To surveil, profile and harass teachers who are the backbone of the education sector?” tanong pa ng mambabatas.
Mistulang wala rin umanong patutunguhan ang proyekto ng Presidential Communications Office (PCO) na labanan ang fake news dahil mismong ang Malacañang pababa sa lahat ng departamento at pinakamababang police at military units ay sangkot sa historical revisionism at red-tagging.
(BERNARD TAGUINOD)
108