WALANG mapapala ang mga hilahod na konsyumer sa isinusulong na amyenda ng Department of Energy (DOE) sa Republic Act 9163 na mas kilala sa tawag na EPIRA Law.
Para kay House deputy minority leader France Castro, tanging mga crony ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang makikinabang sa sandaling amyendahan ang ilang tampok na probisyon sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA).
Ganito inilarawan ni House deputy minority leader France Castro ang panukala na idinepensa ni DOE Undersecretary Sharon Garin sa House committee on energy (DOE) kamakalawa.
Pasaring pa ni Castro kay Energy Undersecretary Sharon Garin, wala maski isa sa mga panukalang galing sa DOE ang nagpapababa ng buwanang singil sa mga pangkaraniwang pamilyang Pilipino.
Bagkus aniya, nagbigay daan lamang sa paglago ng negosyo ng mga oligarkong higit na kilala sa pagiging malapit sa Palasyo.
Katunayan pa ani Castro, hindi ginalaw ang mga probisyon kung saan pinababalikat sa mga konsyumer ang kuryenteng nawawala sa power distributors – bukod pa sa buwis na dapat sana’y bayaran ng mga power industry player (kabilang ang National Grid Corporation of the Philippines) sa gobyerno.
Emergency power
Tinabla rin ng grupo ni Castro ang isa sa probisyon sa panukala ng DOE na bigyan ng emergency power ang Pangulo sa tuwing nakaamba ang krisis sa enerhiya.
Ang dapat aniyang gawin ng DOE – magtayo ng sariling planta para may panabla sa independent power producers (IPPs) na walang umay sa kita. (BERNARD TAGUINOD)
161