PODER o kapangyarihan na ayaw bitiwan ang pangunahing dahilan kung bakit sumiklab ang giyera sa pagitan ng mga Marcos at Duterte na tuluyang nagtuldok sa kanilang UniTeam noong nakaraang eleksyon.
Ganito inilarawan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang hidwaan ng mga Marcos at Duterte dahil walang nagbabanggit sa kanila ng kapakanan ng mamamayan.
“These politicians stay silent when the people are calling for aid, but when their power is at risk, they have the guts to use public funds for these kinds of expensive gimmicks,” ayon sa aktibistang mambabatas.
“Ni isang beses hindi nabanggit ang mga importanteng isyu sa ngayon tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at batayang serbisyo, krisis sa transportasyon, at maging ang napakababang sahod ng mga manggagawa. Anong silbi ng mga ganitong pakulo kung hindi naman nasosolusyunan ang kumakalam na sikmura ng mga Pilipino?,” dagdag pa nito.
Naniniwala rin ang mambabatas na posibleng may kinalaman ang Amerika at China sa gulo sa pagitan ng dalawang pamilya kaya isinakripisyo ng mga ito ang UniTEAM na kanilang plataporma noong nakaraang eleksyon.
Hindi lingid sa lahat na kaalyado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Estados Unidos habang loyal ally naman umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang China na kapwa malaki ang interes sa West Philippine Sea (WPS).
Ito aniya marahil ang dahilan kaya kapwa isinulong nila Marcos at Duterte ang Charter change upang malayang makapasok at magkaroon ng 100% ownership ang Amerika at China sa mga negosyong may kinalaman sa serbisyo publiko.
“Malinaw na ang mga ito ay hindi para sa kapakanan ng mga Pilipino, at para lamang sa interes ng mga dayuhan. Kaya dapat tutulan ng mga Pilipino ang Charter change, at singilin ang mga politikong ito sa kanilang patuloy na pagkibit-balikat sa mga panawagan ng mamamayan,” dagdag pa ni Brosas.
Umapela naman ang mga kababaihang magbubukid sa sambayanang Pilipino na “wag magpalinlang sa hidwaan ng Marcos at Duterte” dahil poder ang kanilang pinag-aawayan at hindi ang kapakanan ng mamamayan.
(BERNARD TAGUINOD)
294