MARCOS TRINAYDOR PCSO CHAIRMAN?

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

GALAWANG traydor.

Ganito inilarawan ng kampo ni dating Quirino Rep. Junie Cua ang biglaang pagsipa rito sa pwesto sa kabila umano ng garantiyang ibinigay mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kamakailan na mananatili ito bilang chairman ng Board of Directors ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Nabatid na labis na ikinagulat at ikinadismaya ni Cua nang malaman na pinalitan na siya sa nasabing pwesto.

Bago tumulak patungong Brunei kahapon si Pangulong Marcos kasama si First Lady Liza at ang buong delegasyon ay itinalaga nito ang dating pangulo ng Philippine Judges Association at retired Marikina Regional Trial Court (RTC) Judge Felix P. Reyes bilang chairman ng Board ng PCSO.

Si Reyes, 63, ay nanumpa sa kanyang bagong tungkulin sa harap ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin, nitong Martes, May 28.

Dahil dito, pinagdududahang may gumapang para matanggal si Cua lalo pa’t sinasabing malapit kay PCSO General Manager Melquiades “Mel” Robles si Reyes.

Sa impormasyong nakalap ng SAKSI Ngayon, noong isang linggo lang ay magkausap sina Marcos at Cua kung saan ginarantiyahan ng Pangulo na hindi niya papalitan ang huli.
Kaya naman laking dismaya ni Cua nang malamang sinibak siya at pinalitan ni Reyes.

Kumuha si Reyes ng Bachelor of Arts in Political Science sa Far Eastern University (FEU) mula 1977 hanggang 1981 at tinapos ang kanyang law degree sa University of the East mula 1982 hanggang 1986.

Bago pa ang kanyang appointment, itinalaga si Reyes bilang acting member ng PCSO Board of Directors mula November 2022 hanggang sa kasalukuyan.

Nagsilbi rin siya bilang acting presiding judge ng Taguig RTC Branch 70 mula 2017 hanggang 2019; RTC, Lipa City mula February 2011 hanggang September 2021 at RTC, Calamba City mula 2011 hanggang 2013.

Sa pagdinig ng Kamara noong isang taon kaugnay ng layuning mapataas ang kita ng PCSO upang magamit sa health-related services, sinang-ayunan ni Cua ang obserbasyon na nakaaapekto sa kita ng STL ang e-sabong kaya pabor siyang ipatigil ito.

“Sa ating pananaw, naniniwala ako doon sa sinabi niya (Rep. Benny Abante) na kung mag-proliferate ang e-sabong, makakaapekto sa STL (Small Town Lottery). Kasi siyempre habang yung pera na dapat pumunta sa STL eh pumupunta sa e-sabong, mababawasan yung STL,” ani Cua.

Aniya, “So I think I agree with what Bishop Benny has said, as a consequence of allowing e-sabong to proliferate. So wag niyo na payagan para hindi kami mahirapan.”
Sinuspinde ng pamahalaan ang operasyon ng e-sabong dahil sa mga reklamo laban dito.

215

Related posts

Leave a Comment