MAS MURANG BAKUNA IKONSIDERA – MARCOS

MAAARING makabili ng mas mababang presyo ng bakuna laban sa COVID-19 virus ang Pilipinas.

Sinabi ni Senador Imee Marcos na makabibili na ng AstraZeneca vaccine kontra sa COVID-19 sa halagang US$2.50 per dose lamang na kalahati sa presyong inanunsyo ng pamahalaan.

“Makakabili na tayo ng AstraZeneca vaccine kontra sa COVID-19 sa halagang US$2.50 per dose lamang, na kalahati sa presyong inanunsyo ng pamahalaan. Nagdesisyon na kasi ang Swedish pharmaceutical firm at Oxford University na ibenta ang kanilang bakuna na walang tubo at hanggang nangangailangan ang mga mahihirap na bansa,” ayon pa kay Marcos.

Inihayag ito ni Marcos matapos lagdaan ng pamahalaan, lokal na corporate donors at AstraZeneca ang purchase agreement na pagkuha ng 25 million doses ng bakuna sa halagang halos Php600 million, o $5 per dose.

Sinabi ng senador na ang kasunod na pagbili ng kaparehong bakuna ay dapat mas mura dahil kabilang ang Pilipinas sa 92 low at low-middle income countries na makikinabang sa international donor-funded vaccines sa ilalim ng global initiative na tinawag na COVAX Advance Market Commitment facility.

Layunin aniya ng COVAX AMC na mapanatili ang presyo ng bakuna ng hindi lalampas sa $3 per dose, sa tulong ng World Health Organization, Gavi Vaccine Alliance at mga bansang gumagawa ng vaccine, para makabili naman ang mahihirap na bansang tulad ng Pilipinas ng COVID-19 vaccine sa abot-kayang presyo.

“Sa badyet na P600 million, maaaring makabili ang gobyerno hindi lang ng 2.6 million doses kundi aabot pa sa five million doses ng AstraZeneca vaccine. Sa halagang $5, bawat Pinoy na mababakunahan ay dapat makumpleto ang dalawang doses nito, hindi kalahati lang,” ani Marcos.

Ibinida ng mambabatas ang nilabas na pahayag ng Oxford noong nakaraang linggo, na nagsasabing ang pangunahing dahilan ng pagsasama ng Oxford at AstraZeneca ay joint commitment na maglaan ng bakuna, hindi para kumita lang sa panahon ng pandemya sa buong mundo kundi panghabambuhay na tulong para sa mga bansang low at middle income.

Dagdag pa ni Marcos, ang AstraZeneca ay may lokal na presensya at ilang manufacturing sites sa China na maaaring magpababa sa gastos ng pagpapadala ng bakuna ng nasabing kumpanya sa Pilipinas.

Mababawasan din umano ang gastos sa cold chain storage o lagayan ng bakuna dahil normal refrigeration lang sa temperaturang two to eight degrees centigrade ang kailangan para hindi masira ang vaccine. (NOEL ABUEL)

114

Related posts

Leave a Comment