MASS REGISTRATION SA NAT’L ID SA 2020 NA 

id12

(NI BERNARD TAGUINOD)

MAGSISIMULA ang mass registration para sa National ID sa susunod na taon (2020) kung saan target na mairehistro at magkaroon ng ID ang lahat ng mga Filipino sa loob ng tatlong taon.

Ito ang napag-alaman kay Laguna Rep. Sol Aragones kasabay ng pilot registration na isinagawa ng Philippine Statistic Authority (PSA) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso nitong Lunes.

“Sa 2020 po isasagawa na ang mass registration. Iaanunsyo ng PSA ang schedule sa inyong mga lugar,” ani Aragones na siyang may akda sa National ID system na sinimulang ipatupad ng nasabing ahensya.

Sinabi ng mambabatas, humingi ng P5.7 billion ang PSA para sa pagsisimula ng mass registration sa 2020 at kasama na ito sa 2020 national budget na ipinasa ng Kamara at kasalukuyang pinagdedebatehan sa Senado.

Sa ngayon, ayon kay Aragones ay mahigit 110 milyon na ang mga Filipino at kailangang mairehistro at magkaroon ng ID ang mga ito sa ilalim ng Republic Act (RA) 11055 o Philippine Identification System Act.

Nabatid na aabot sa P26 billion ang kailangan para makumpleto ang mass registration hanggang 2022.

Base sa nasabing batas, pag-iisahin na lang sa isang ID ang lahat ng impormasyon ng mga Filipino na nakapaloob sa iba’t ibang ID na inisyu ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

122

Related posts

Leave a Comment