MASTER PLAN SA WATER SECURITY, BINUBUO NA

water12

(NI BERNARD TAGUINOD)

BINUBUO na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isang master plan para sa water security upang hindi na maulit sa hinaharap ang krisis sa tubig lalo na sa panahon ng El Nino.

Ito ang napag-alaman sa tanggapan ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo matapos itatag ang Technical Working Group (TWG) na bubuo ng isang “water security master plan”.

Mismong si Arroyo ang nag-akda sa House Resolution 2547 para magkaroon ng master plan ang gobyerno katuwang ang pribadong sektor para masiguro na hindi na mangyayari ang kakulangan ng tubig sa panahon ng tag-init.

“The recent water crisis that was faced by the Manileños serves as an eye-opener that urges the government regulators to be more proactive in immediately addressing water service problems, especially in the dry season,” ani Arroyo.

Maliban sa taga-Manila na naaapektuhan kapag bumababa ang level ng tubig sa Angat Dam, ay nanganganib din ang sektor ng agrikultura sa Central Luzon na nakakakonsumo, aniya, ng 80% ng tubig sa mga dam.

Sa ngayon ay nasa critical level na ang Angat Dam kaya maoobliga ang mga water regulators na bawasan ang supply ng tubig sa mga irrigation upang hindi maubusan ng tubig ang mga residente sa Metro Manila.

Kailangan na kailangan na aniya ang master plan sa para sa water security lalo na at parami nang parami ang mga tao kaya lumalaki din ang konsumo sa tubig na kung hindi maagapan ay posibleng magdulot umano ng mas malaking problema sa hinaharap.

Kabilang sa iminungkahing solusyon sa  problema sa tubig sa hinaharap ay regular na cloud seeding, cross-border sharing, recycling ng mga used water, ayusin ang mga tagas ng tubo, at  maghanap ng mga bagong pagkukunan ng tubig maliban sa mga kasalukuyang dam at pag-iipon ng tubig ulan.

168

Related posts

Leave a Comment