(NI NOEL ABUEL)
PINAKIKILOS ni Senador Joel Villanueva ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) para kasuhan ang sinumang opisyal at tauhan nito na sangkot sa pagdagsa ng maraming dayuhang manggagawa sa bansa.
Ito ang pahayag ng senador sa muling paggulong ng pagdinig ng Senate Committee on Labor kung saan iginiit nito na dapat na masampahan ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang sinumang mapapatunayang responsable sa pagdami ng bilang ng mga foreign workers partikular ng mga Chinese nationals.
“I think the Bureau of Immigration should identify and name the persons responsible for allowing the proliferation of foreign workers without the proper determination required by law. I believe they should be charged with violating the Anti-Graft and Corrupt Practices Act for soliciting favors as a function of their office,” sa opening statement ni Villanueva.
Sinabi pa nito na dalawang taon na ang lumipas o Disyembre 2016 nang unang magsagawa ng pagdinig ang nasabing komite hinggil sa pagdagsa ng mga Chinese nationals sa bansa at nasundan ngayon taon ngunit hanggang sa kasalukuyan ay ito pa rin umano ang problema at walang nangyayaring solusyon ang BI at ang Department of Labor and Employment (DOLE).
133