MENTAL HEALTH EMERGENCY PINADEDEKLARA KAY PBBM

SA gitna ng pagsipa ng bilang ng mga estudyanteng nagpatiwakal sa nakalipas na dalawang taon, hiniling ng isang kongresistang aktibista kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magdeklara ng Mental Health Emergency sa lalong madaling panahon.

Ayon kay Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, lubhang nakakabahala ang mataas na bilang ng mga kabataang nagtangkang bawiin ang sariling buhay bunsod ng dinaranas na depresyon.

Partikular na tinukoy ni Manuel ang datos ng Department of Education (DepEd) na nakapagtala ng 404 na pagpanaw ng mga estudyante mula taong 2021 hanggang 2022 – bukod pa sa 2,247 iba pang pinalad mabuhay matapos ang bigong pagpapatiwakal.

“Crunching the data, there had been more than one student who fell victim to suicide per day while roughly one student attempted to commit suicide every four hours in the past academic year 2021-2022,” ani Manuel

Batay aniya sa kasaysayan, wala pang naitalang ganun kadaming kaso ng mga kabataang gustong wakasan ang sariling buhay.

“In light of this, we urge authorities to declare a mental health emergency to give way for immediate and substantial government action to ramp up budget and support for mental health professionals and services,” giit pa ani Manuel, kasabay ng panawagan para kumuha ng mas maraming mental health professionals para tumugon sa mga kaso ng depresyon sa hanay ng mga mag-aaral.

Base sa ulat ng DepEd, meron lang isang mental health professional ang nakatutok sa 13,400 estudyante, kasabay ng giit na 1:500 ang tinawag niyang “ideal ratio.”

Mungkahi pa niya, magtalaga ng mga mental health professionals sa loob ng mga pampublikong paaralan, kasabay ng deklarasyon para sa Mental Health Emergency ng Pangulo.

“Higit sa pagtugon sa mental health services, di natin maitatanggi na epekto rin ito ng higit dalawang taong pagsara ng mga paaralan at ang distance o hybrid learning modality na dumoble sa load at gastusin ng mga estudyante.”

Samantala, hinikayat rin ni Manuel ang DepEd na rebisahin ang polisiya sa sektor ng edukasyon – partikular ang K-12 program. (BERNARD TAGUINOD)

187

Related posts

Leave a Comment