MGA BARIL NI COL. ABONG PINAKUKUMPISKA NG DILG

INATASAN ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang Philippine National Police (PNP) na agad kumpiskahin ang tatlong licensed firearms ng police official na sangkot sa pagpapaputok ng baril sa labas ng restobar isa Quezon City.

Ang direktiba ni Sec. Abalos ay inilabas matapos bawiin ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO) ang lisensya ng tatlong baril ng suspek na si PLt. Col. Mark Julio U. Abong.

Magugunitang si Abong na may dismissal order, ay naaresto noong nakalipas na linggo dahil sa ‘unprovoked firing of guns’ sa harapan ng restobar sa Scout Rallos Street sa Quezon City.

“Hindi dapat bigyan ng pribilehiyo na magmay-ari o magdala ng baril ang sinomang hindi responsable o mapagkakatiwalaan na humawak nito. Kahit pa siya ay isang alagad ng batas,” ani Abalos.

“In the interest of public safety and due to his numerous brushes with the law, I, therefore, direct the PNP to immediately cause the confiscation of the firearms registered under the name of PLt. Col. Abong to be turned over to the PNP-FEO,” dagdag pa ni Atty. Abalos.

Samantala, wala umano sa kamay ng PNP ang bola kung bakit hindi agad naipatupad ang dismissal order na inisyu laban kay Abaong bunsod ng nauna nitong mga kaso.

Nabatid na hinihintay na lamang ng PNP ang desisyon ng National Police Commission kaugnay ng inihaing apela ni PLt. Col. Abong.

Ayon kay PNP Public Information Office chief, PCol. Jean Fajardo, may inilabas nang dismissal order noon ang Quezon City People’s Law Enforcement Board laban kay Abong subalit umapela ito sa NAPOLCOM.

Ang kaso ay may kaugnayan sa pagkakasangkot ni Abong sa insidente ng hit and run noong isang taon na ikinamatay ng isang tricycle driver at ikinasugat ng iba pa.

Gayunman, sinabi ni Fajardo, tiyak na wala nang lusot si Abong dahil sa panibagong kasong administratibo at kriminal na kinakaharap nito.

Bukod kasi sa grave misconduct, grave neglect of duty, conduct unbecoming of an officer, reckless imprudence resulting in homicide, nahaharap ngayon si Abong sa alarm and scandal, illegal discharge of firearm, slander at physical injury dahil sa huli nitong kinasangkutang insidente.

(JESSE KABEL RUIZ)

108

Related posts

Leave a Comment