LOCSIN SA PAGSASAPUBLIKO NG MOU: IPAALAM MUNA SA CHINA; MGA MAMBABATAS DISMAYADO

 (Ni BERNARD TAGUINOD)

“Nakakapangliit at nakakahiya”.

Ganito inilarawan ng mga militanteng mambabatas ang pahayag umano ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddy Boy Locsin na magpapaalam muna umano ang mga ito sa China bago isapubliko ang nilalaman ng Memorandum of Understanding (MOU) hinggil sa joint oil and gas exploration sa West Philippine Sea.

Sa press conference, hindi naitago ni ACT party-list Rep. France Castro ang kaniyang pagkadismaya sa gobyerno dahil hindi umano makatarungan sa sambayanang Filipino na tayo pa ang sunud-sunuran sa China gayung tayo umano ang may-ari sa West Philippine Sea.

“Nakapangliliit at nahihiya ako sa statement ni Secretary Locsin na kailangan pang humingi sa China ng permiso para doon sa agreement. Hindi ba sila nahiya sa mamamayang Filipino na ito ang pag-aari natin, soberanya natin ito na ipagpapaalam pa natin sa China?,” ani Castro.

Ginawa ni Castro ang pahayag dahil sa isang tv interview, sinabi umano ni Locsin na handa umano nilang isapubliko ang nilalaman ng nasabing kasunduan subalit kailangang magpaalam muna ang mga ito sa China.

“Walang  kapatawaran ang ganitong ginagawa ng administrasyong Duterte,” dagdag pa ni Castro.

Sa panig naman ni ACT party-list Antonio Tinio, lumabas na ang kinatatakutan ng sambayanang Filipino na tuluyan nang isinuko ng gobyernong Duterte ang West Philippine Sea sa China kay Chinese President Xi Jinping na bumisita sa bansa noong Martes at Miyerkules.

“Yan na nga ang problema. Kung baga inamin na mismo ni Secretary Locsin yung problema sa kasunduang ito. Nasaan ang exercise of full sovereignty kung kailangan ang pagpapaalam bago maipahayag sa publiko, sa mamamayang Filipino yung nilalaman ng kasunduang nilagdaan niya,” ani Tinio.

Maging si Kabataan party-list Rep. Sarah Elago ay sinabi na sa pahayag na ito ni Locsin ay nawala na sa Pilipinas ang full control and supervision sa ating teritoryo sa West Philippine Sea.

153

Related posts

Leave a Comment