PARA kay Manila City Rep. Bienvenido Abante – isang pastor – napapanahon nang ibalik ang parusang kamatayan lalo pa anya’t walang nakikitang pagbabago sa mga sentensyadong kriminal sa loob ng mga piitan.
Partikular ng tinukoy ng kongresista ang karumal-dumal na pamamaslang sa batikang komentaristang si Percival Mabasa (mas kilala sa pangalang Percy Lapid sa kanyang mga tagasubaybay), na aniya’y kinamada ng isang bilanggo sa loob ng National Bilibid Prison (NBP) facility sa lungsod ng Muntinlupa.
Oktubre 3 ng gabi nang maisagawa ang pagpatay kay Mabasa na sakay ng kanyang minamanehong sasakyan sa Las Piñas City.
“If a prison cell cannot stop a criminal from plotting and ordering the murder of another person, then the death penalty may be the only way to prevent the murder of innocent citizens and journalists like Percy Lapid,” ani Abante.
Oktubre 18 naman nang ipinrisinta ni Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos ang prisintadong suspek na si Joel Escorial na umamin na siya’y bahagi ng grupong kinontrata ng isang bilanggo mula sa NBP para paslangin si Mabasa, kapalit ng P550,000 kabayaran.
Gayunpaman,ilang oras matapos pumutok ang balita sa pagtuga ni Escorial, namatay ang kinantang kasador na NBP inmate na kalaunan ay nakilalang si Crisanto Palana.
“This jail cell conspiracy that led to the tragic death of an outspoken journalist is proof that incarceration is not enough to stop criminals from committing more crimes,” ayon pa sa mambabatas.
Paniwala ni Abante na may-akda ng nakabinbin House Bill 4112 na nagtatakda ng parusang kamatayan sa mga mapapatunayang may sala sa kasong murder, treason, drug trafficking, at plunder, ang pagpatay kay Mabasa ay hindi unang pagkakataon na ang pamamaslang na kinamada sa loob ng bilibid.
Bukod aniya sa pagpatay, kabilang rin aniya sa laganap sa likod ng rehas ang paggamit at pagbebenta ng droga, batay na rin sa isinagawang pagsalakay ng Department of Justice (DOJ) noong taong 2014.
“While these may have been already addressed, the disturbing reality is that as long as there are jailed criminals who have the resources to bribe, coerce, or even threaten our corrections officers, they remain a danger to society,” ani Abante.
“In cases such as these, death is the only punishment that can neutralize them.” (BERNARD TAGUINOD)
