TIWALA si Senador Christopher Lawrence Go na hindi na babalik sa Metro Manila ang mga pamilyang tumugon sa Balik-Probinsiya program ng pamahalaan sa gitna ng COVID-19 pandemic para ma-decongest ang Kamaynilaan.
Ipinaliwanag ni Go na marami sa mga nag-avail ng programa ay nagsabing nadala na ang mga ito sa mga naranasan sa gitna ng lockdown dahil sa COVID-19.
Binigyang-diin nito na kung sustainability ang pag-uusapan, tutulungan ng 17 government agencies ang mga pamilyang uuwi sa mga lalawigan para maging maayos ang pagsisimula ng kanilang buhay sa lalawigan.
Bukod sa mga livelihood at financial assistance, sinabi ni Go na base sa report, mayroon pang 180-thousand na government lands na puwedeng pagtayuan ng mga murang pabahay para sa mga ito.
Ayon kay Go, kapag naibigay ang pangangailangan ng mga nagbalik-probinsiya, hindi na nanaisin pa ng mga ito na bumalik sa siksikang Metro Manila.
Apela pa nito sa iba pang nais na magbalik sa kani-kanilang lalawigan na samantalahin ang Balik-probinsya ng gobyerno. NOEL ABUEL
