MICHAEL YANG DINAWIT SA P3-B SHABU SA PAMPANGA

IPATATAWAG ng House committee on dangerous drugs ang dating economic adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang matapos sumabit ang pangalan nito sa P3 billion halaga ng shabu na nakumpiska sa isang bodega sa Mexico, Pampanga noong nakaraang taon.

Ito ang kinumpirma ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers matapos matuklasan na ang interpreter ni Yang na si Lincoln Ong ay isa sa mga incorporator ng Empire 999 na siyang may-ari umano ng bodega.

Matatandaang sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong September 2023 ang nasabing bodega kung saan nabawi ang 530 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3 billion.

“The connection of alleged drug lord Michael Yang to these drug activities is no surprise. Remember that in the past administration, he was named by a top official of the PNP who was then tasked to investigate illegal drug activities. It was discovered that the one on top of the drug trade was Michael Yang,” ani Barbers.

Bukod sa pagiging drug lord umano, inakusahan din na financier si Yang ng Pharmally na pinaboran umano ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) na pinamumunuan ni Christopher Lao kaya nakakuha ito ng malaking kontrata ng medical supplies noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic kahit wala pang karanasan ang mga ito sa industriya at walang sapat na puhunan.

Kamakalawa ay ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kay Lao at dating Health Secretary Francisco Duque at iba pang opisyales ng Pharmally dahil sa nasabing anomalya.

Natuklasan ang koneksyon ni Yang sa P3 billion shabu sa Pampanga nang ipresenta ni Public Accounts Chairman Joseph “Caraps” Paduano na kabilang si Ong sa incorporator ng Empire 999.

Dahil dito, agad nagmosyon si House committee on public order Chairman Dan Fernandez na ipatawag sa susunod na pagdinig si Yang na inaprubahan ng komite ni Barbers.

“This matter has now gone from a simple illegal drug smuggling to a national security concern. We need to establish the link between these companies and Michael Yang, the financier of Pharmally. It is not as simple as it seems,” ani Barbers.

Maging ang ibang incorporators ng Empire 999 na sina Aedy Yang at Henry Yang, Elaine Chua at iba pa aniya ay pawang Chinese nationals na nagpapanggap na Pilipino kaya malaking banta umano ito sa seguridad ng bansa. (BERNARD TAGUINOD)

39

Related posts

Leave a Comment