MILITANTE NAGDEKLARA NG GIYERA VS BATO

(NI BERNARD TAGUINOD)

NAGDEKLARA ng giyera ang mga militanteng grupo lalo na ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list sa rekomendasyon ng komite ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa ukol sa profiling ng mga public school teachers at police visibility sa mga public schools.

“Nagdedeklara kami ng giyera dito sa sinasabi na recommendation na ito at lalaban ang mga teachers dito sa profiling dahil matagal na natin sinasabi na ito ay ilegal at hindi constitutional at tigilan na nila ito,” ani ACT party-list Rep. France Castro.

Bago ang eleksyon noong Mayo ay nagkaroon ng profiling sa mga public school teachers kung saan inaalam ng mga pulis kung sino-sino ang mga guro na miyembro ng nasabing organisasyon.

Sinabi naman ni Kabataan party-list Sarah Elago na inirekomenda ring imbestigahan, na hindi sila magpapatinag sa rekomendasyon ng komite ni Dela Rosa dahil mahalaga ang boses ng mga kabataan sa eskuwelahan.

“Kaya kami, yung mga kabataan, hindi kami magpapadala kung nais man nilang takutin ang mga kabataan at pigilan yung pag-eexercise ng political civil rights ng kabataan at eskuwelahan,” ani Elago.

Magugunita na nag-imbestiga ang komite ni Dela Rosa hinggil sa pagrerecruit umano sa mga estudyante sa mga public school para maging miyembro ng New People’s Army (NPA).

Pinalagay din ni  Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang isa pang rekomendasyon ni Dela Rosa na amyendahan ang party-list system law, para kanselahan ang mga progresibong grupo na sumali sa party-list election.

 

239

Related posts

Leave a Comment