(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI lamang ang mga rank and file employees ang nais ng isang grupo ng mga mambabatas sa Kamara na ilibre sa kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) kundi ang mga minimum wage earners sa bansa.
Ito ang nabatid House deputy speaker Janette Garin, ng Ilolilo, kasunod ng plano ng kanilang grupo na ilibre sa Philhealth contribution ang mga rank and file employees sa gobyerno.
Unang sinabi ni House minority leader Benny Abante na maghahain ang mga ito ng panukalang batas para huwag nang kaltasan ng Philhealth contribution ang mga empleyado ng gobyerno na may Salary Grade (SG) 1 hanggang SG 13.
Gagawin umano ito ng nasabing grupo lalo na’t mula ngayong Enero 2020 ay tataasan na ang kontribusyon sa Philhealth kung saan mula sa P275 na kinakaltas sa bawat P10,000 na sahod ay magiging P300 na.
Mas malaking kontribusyon ang naikakaltas na kontribusyon kapag mas mataas sa P10,000 ang sahod kada buwan at magpapatuloy ang pagtaas hanggang 2025 kaya malaking kabawasan umano ito sa take-home pay ng mga rank and file employees.
Subalit ayon kay Garin, kailangang isama sa mga ililibre sa Philhealth contribution ang mga minimum wage earners sa bansa dahil tulad ng mga rank and file employees sa gobyerno ay malaki rin ang pangangailangan ng mga ito.
“Kailangang isama ang mga minimum wage earners dahil napakaliit din ang kanilang sahod,” ani Garin.
Sa ngayon ay naglalaro sa pagitan ng 8 milyon hanggang 9 milyon ang minimum wage earners sa bansa at malaking tulong umano sa mga ito ito kung malibre din ang mga ito sa Philhealth contribution.
Sakaling maging batas ang planong ito ng mga nabanggit na grupo sa Kamara ay patuloy na makikinabang ang mga empleyadong ito ng estado at pribadong sektor sa benepisyo sa Philhealth.
170