(NI JESSE KABEL)
ITINUTURONG utak ng naganap na ambush sa convoy ng mga nangangampanyang bise alkalde, konsehal at tiyuhin, ang incumbent mayor ng Negros Occidental.
Kasunod ito ng paglalaan ng gobernador ng Negros Occidental ng P1 milyong pabuya para sa pagkahuli ng mga suspek.
Sa latest development sa kaso ay direktang itinuro ni Moises Padilla vice mayor Ella Celestina Garcia-Yulo si Mayor Magdaleno ‘Magsie’ Peña na siyang utak sa pag-ambush sa kanilang convoy nitong Huwebes ng tanghali na nagresulta sa pagkamatay ng kanyang kapatid na dating ABC president at pamangkin na incumbent councilor.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na kasama sa convoy na nagsasagawa ng campaign rally ang bise alkalde na dumaan sa Hacienda Dresden, sa Barangay Inolingan ngunit nakatakbo ito at nagtago sa bahay malapit sa ambush site kaya’t nakaligtas.
Nasa unahang bahagi ng convoy sina Councilor Michael Garcia at tiyuhin na si Mark Garcia, kaya siya ang naging target ng may 20 armadong kalalakihan sakay ng isang pick-up truck at mga motorsiklo.
Pahayag ng vice mayor na siya mismo ang target ng ambush ngunit nagkataong sakay ito sa pangatlong sasakyan.
Pahayag Yulo, si Peña ang pangunahin niyang suspek dahil nakita ng kanyang security team ang mukha ng ilang suspek at natukoy na miyembro ito ng local guards ng alkalde.
Si Pena ay tiyuhin ni Yulo at kasama silang tumakbo sa 2016 elections ngunit magkatunggali na sa mayoralty post ngayong 2019 midterm election elections.
Ayon kay Governor Alfredo Marañon Jr., dapat matigil na ang serye ng pagpatay sa mga opisyal sa lalawigan kaya’t nanawagan ito kay Pangulong Rodrigo Duterte na mamagitan na.
Una nang sinabi ng hepe ng Moises Padilla Municipal Police Station na si P/Cpt. Junjie Liba, politika ang pangunahing anggulo na tinututukan nila kaugnay sa naganap na pananambang at may dalawang tao na silang inimbitahan kaugnay rito.
179