‘MOTHER TONGUE’ POLICY SA K-12 IPAREREBYU NI GATCHALIAN

NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng isang resolusyon upang suriin ng Senado ang pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) o “mother tongue” policy na mandato sa ilalim ng K to 12 Law (Republic Act 10533).

Sa inihaing Senate Resolution No. 610 ni Gatchalian, nais ng senador na masuri kung epektibo nga ba ang paggamit sa MTB-MLE sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas simula nang ipatupad ito noong 2012. Ayon sa Senador, ilan sa mga nakitang hamon sa programa ang kakulangan ng textbooks na nakasulat sa mother tongue, pati na rin ang kakulangan ng pagsasanay ng mga guro sa paggamit ng mother tongue sa pagtuturo.

Ayon sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), 94% ng mga estudyanteng nakilahok dito na nasa edad na labing lima (15) ay gumagamit sa bahay ng lingguwaheng iba sa ginamit na medium of instruction sa mismong assessment. Pumapangalawa ang Pilipinas sa Lebanon na may 98%.

“Mas mabilis matuto ang mga kabataan sa wikang nauunawaan nila. Ang epekto nito ay makikita sa kanilang self-esteem upang lalo silang maengganyo sa pag-aaral,” ayon kay Gatchalian.

Sa pagpapatupad ng programang K to 12, ang katutubong wika o ang pangunahing wika ng mga mag-aaral ang gagamitin sa pagtuturo, mga teaching materials, at assessment mula Kindergarten hanggang sa unang tatlong taon ng edukasyon sa elementarya. Sa pamamagitan ng isang language bridge program, sisimulan ang paggamit ng Filipino at English mula Grade 4 hanggang Grade 6. Sa high school naman, ang dalawang wikang ito ang magiging pangunahing wika para sa pagtuturo.

“Bagama’t maganda ang layunin ng mother tongue policy sa ilalim ng programang K to 12, nakita natin na may mga hamon sa ating kakayahan at kahandaang ipatupad ito. Ang nakasalalay dito ay ang kalidad ng edukasyon na natatanggap ng ating mga mag-aaral, kaya ang kailangan dito ay isang masusing pag-aaral upang malaman natin kung paano ba natin matutugunan ang mga kakulangan ng naturang programa,” ayon sa chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. (ESTONG REYES)

92

Related posts

Leave a Comment