RESULTA NG PAGSUSURI SA SINOVAC VACCINE HINTAYIN

NANAWAGAN si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa publiko na hintayin muna ang resulta ng pagsusuri ng Food and Drugs Administration (FDA) kung epektibo at ligtas ang anomang bakuna tulad ng Sinovac mula China.

Sa pahayag, nilinaw ni Go na idadaan sa matinding pagsusuri ng eksperto ang lahat ng bakuna laban sa COVID-19 tulad ng Sinovac bago ito ipagamit sa publiko kaya nakatitiyak na ligtas ang gamot.

Tiniyak din ni Go na bilang chairman ng Senate Committee on health and demography, palagi nitong ipinaaalala sa FDA at kay Vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr., na unahin ang kaligtasan at bisa ng bakuna dahil nakasalalay rito ang buhay ng bawat Pilipino at pagbabalik sa normal na pamumuhay.

Muling iginiit ni Go na titiyakin nila ni Pangulong Rodrigo Duterte na oras na dumating sa bansa ang bakuna kontra COVID-19 ay uunahin ang mahihirap na mamamayan.
Kaugnay nito, tiniyak nila ni Pangulong Duterte ang pagkakaroon ng roadmap sa implementasyon ng pagbabakuna.

Samantala, umapela naman si Go sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-RID) na pag-aralang muli ang pagpayag nilang makalabas ng bahay ang mga batang nasa edad 10 hanggang 14.

Sinabi ni Go na delikado pa ang sitwasyon at bilang patunay, 3 sa 16 na bagong kaso ng COVID-19 ay nasa edad 18 pababa.

Ipinaliwanag ni Go na delikadong mas kumalat ang virus sa mga bata lalo pa at malilikot ang mga ito kaya mahirap kontrolin kapag lumabas sila.

Kaugnay nito, posibleng maging dahilan ito ng mas mabilis at mas maraming mahawa sa COVID-19 lalo pa at karamihan sa mga batang positibo sa virus ay asymptomatic.

Binigyang-diin ni Go na wala namang dahilan para magmadali sa pagluluwag sa restriction partikular sa mga bata.

Mas mabuti aniyang hintayin na lang na magkaroon ng bakuna sa bansa laban sa COVID-19. (ESTONG REYES)

43

Related posts

Leave a Comment