SAKALING maisabatas ang panukala ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, pagmumultahin ng P500,000 at makukulong ng hanggang 12 taon ang sinomang mapatutunayan na nagbebenta ng sigarilyo, alak at vape products sa menor de edad.
Sa pahayag, sinabi ni Recto na nakapaloob ito sa Senate Bill No. 1208 na kikilalanin bilang Protection of Minors from Sin Products Act, upang protektahan pa ang mga bata sa hazards ng alcohol at produktong tabako kabilang ang vapor products.
Ayon kay Recto, kahit may umiiral na batas tulad ng Tobacco Regulation Act of 2003 at pagbubuwis na namamahala sa paggamit, pagdadala at pagbebenta ng mga produktong ito, hindi ito nagiging epektibo sa pagkonsumo ng alak at sigarilyo.
Sa ilalim ng panukala, sinomang tao o establisimyento na lalabag sa batas na ito ay pagmumultahin ng P100,000 pero hindi hihigit sa P500,000 at makukulong ng hindi bababa sa anim na taon at hindi hihigit sa 12 taon.
Kung lumabag ang establisimyento, makukulong ang manager, kinatawan, director, ahente o empleyado nito.
Bukod dito, babawiin ang lisensiya o permit sa mga susunod na paglabag para sa mga negosyo o business establishment. Estong Reyes
399