Nagpapagamit kay Marcos PNP ‘DI NA SUMUSUNOD SA BATAS – MAYOR BASTE

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MULING pinatutsadahan ni Davao City Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte ang Philippine National Police (PNP) na patuloy sa kanilang paggalugad sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa nasabing lungsod.

Ayon sa alkalde, sa simula pa lang ay hindi na sumunod sa batas ang kapulisan nang kubkubin nila ang compound ng KOJC sa paniwalang doon nagtatago ang pinaghahanap na si Apollo Quiboloy.

Kahapon ay dumulog ang ilang tag-KOJC na humiling kay Duterte na pigilan ang drilling operation ng PNP sa compound.

Gayunman, duda si Duterte na susunod ang PNP kahit pa maglabas siya ng kautusan.

“Ang mga taong ito, sa tingin ninyo, maniniwala pa ba sila (PNP)? Maaari nating iisyu sa kanila ang cease and desist order para sa mga drilling operation, pero susundin ba nila ito?”, ani Duterte.

“Subukan natin, mag-isyu tayo ng ganoon dahil kailangan ng permit. Pero sa simula pa lang, nag-apply ba sila? Walang batas mula nang magsimula ang kanilang operasyon sa KOJC. Hindi na nila tinitingnan ang batas,” pahayag pa nito.

Binanatan din nito ang administrasyong Marcos Jr. na ginagamit aniya ang mga pulis para sirain ang kanyang mga kritiko.

“Ano nga ba ang napatunayan nila [Marcos admin] sa kanilang mga ginawa? Napatunayan lang nila na ganitong klase sila mamuno-gagamitin nila ang pulis, tulad ng ginagawa nila sa KOJC, upang ipakita ang kanilang awtoridad at kapangyarihan para sirain ang mga sa tingin nila ay kalaban nila,” saad pa ng alkalde ng Davao City.

Patuloy sa kanilang paghahalughog ang PNP-Police Regional Office 11 sa 30 ektaryang compound ng KOJC sa pagsisikap na matunton at maisilbi ang warrant of arrest laban kay Quiboloy at apat na kapwa akusado nito.

Ayon sa PNP, nasa halos limampung porsyento pa lang ang nahahalughog na lugar sa KOJC compound sa Davao City.

Nadiskubre rin nila ang masalimuot na mga daan, mga pampasabog, at iba pang nakamamatay na mga armas sa loob ng compound.

Nauna rito, iprinisinta ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang videos na kuha sa naunang mga araw ng paghahanap kay Quiboloy.

Dito makikita ang mga lihim na lagusan, mga pasikot-sikot na structural designs ng gusali sa loob ng 30-hectare estate, may “secret passageway” patungo sa isang kwarto, at 42 gusali sa loob ng compound.

34

Related posts

Leave a Comment