SINABI ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas nitong Miyerkoles na nasa tadhana ng buhay ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer at presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ang maging ika-17 presidente ng Pilipinas.
Ang pahayag na ito ni Mandanas ay idineklara sa harap ng daang libong kababayang Batangueño na nagpakita ng suporta sa BBM-Sara UniTeam grand rally sa LiMa Park sa Lipa City ng lalawigan.
Anang opisyal, kailangan ng bansa si Marcos dahil siya ang may mabuting pakay para paunlarin ang bawat Pilipino.
“Ngayong gabi, ang magandang buhay natin ay magsisimula na dahil kasama natin ang iginuhit ng tadhana na maging susunod na pangulo ng bansa. Bukod tanging siya lang ang nakakita na ang kailangan ng ating bansa, ang kailangan nating mga Pilipino ay ang pagkakaisa at pagtutulungan, hindi pagbabangayan,” ani Mandanas.
Ayon sa kanya, karapatan ninuman ang mamili at bumoto ng kandidatong kanilang gusto, ngunit para sa isang tulad niyang matagal na sa serbisyo publiko, alam niyang si Marcos ang nakahihigit sa lahat ng presidentiables sa kasalukuyan.
“Ating ipakilala at iboto ang talagang kailangan natin ngayon….Siya ang nararapat na pangulo sapagkat isinasabuhay niya ang talagang kailangan ng mga Pilipino, ang kailangan ng bansa,” anang gobernador.
“Ating ipakilala at ating iboto ang susunod na pangulo ng bansa na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.,” sabi pa niya na sinalubong ng sigawan at masigabong palakpakan ng daang libong BBM-Sara supporters.
Kaagad pinasalamatan ni Marcos ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga Batangenyo.
“Walang sawa ang inyong pagmamahal at suporta. Nagpapasalamat ako sa inyong mainit na salubong, hindi lang para sa mga kandidato ngunit maging sa mensahe ng pagkakaisa na aming dala,” ani Marcos.
Kaagad ipinangako ni Marcos na pabababain nito ang singil sa kuryente upang makapagbigay ng maraming trabaho sa mga kababayan.
Naniniwala si Marcos na isa sa mabilis ang paglago at pag-unlad ng isang probinsiya kung mababa ang singil sa kuryente.
Kasabay nito, naniniwala naman ang running-mate ni Marcos na si vice presidential bet Mayor Inday Sara Duterte na ang mahigit sa 100,000 Batangas supporters na nagpakita ng puwersa sa UniTeam rally ay tunay na ‘organic’ at hindi bayad.
Sinagot ang sinabing ito ni Duterte ng hiyawan ng mga tao na: “hindi kami bayad!”
“Sigurado ako na hindi kayo bayad dahil marami sa inyo ang kaninang umaga pa nandito. Kahit marami sa inyo ang gutom at malayo pa ang biyahe pauwi, mahal niyo ang UniTeam. Pag sinabi ng Batangas na panalo na ako, sigurado ako na panalo na ako,” ani Duterte.
Tulad ni Marcos, tiniyak ni Duterte na ang kanilang administrasyon ay unang tututok sa makabangon agad ang Pilipinas sa dumadapang ekonomiya dahil na rin sa pandemya.
Samantala, isang barangay official sa Lipa ang nagsabing labis ang kanilang pasasalamat sa ginawang pagbisita ni Marcos sa kanilang lungsod.
“Nagpapasalamat kami dahil nagpunta siya rito sa amin sa Lipa dahil hinahanap siya dito. Maraming BBM supporters dito kahit si Isko Moreno ang inendorso nina Sen. Recto (Ralph),” ani Chairman Allan Sarmiento ng Barangay Quezon.
Isang residente rin ng Lipa ang nagsabing kahit walang artista, singer at sikat na banda ay dudumugin pa rin ang Marcos rally dahil ang mga Batangueno ay tunay na nagmamahal sa kanya.
“Kahit walang artista o banda, pupunta pa rin kami para ipakita ang suporta namin,” ani Teresa Magpantay.
“Si BBM ang iboboto namin kasi hirap na po kami kaya gusto namin ng pagbabago,” sabi naman ni Dolores Layson ng Barangay Rosario.
Kasama ng tambalang Marcos-Duterte na nanuyo ng botante sa batangas ang mga UniTeam senatorial bets Mark Villar, Harry Roque, Sherwin Gatchalian, Greg Honasan, Jinggoy Estrada, Robin Padilla, at Gilbert Teodoro.
Hindi nakadalo sina Loren Legarda at reelectionist Senator Juan Miguel Zubiri, ngunit nagsalita sila sa pamamagitan ng kani-kanilang video message.
186