(NI NICK ECHEVARRIA)
IPINALIWANAG ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) spokesperson Derrick Carreon na ang tanging layunin ng ipinalabas na narco-list ng Pangulong Rodrigo R. Duterte kamakailan ay para mapigilan at ma-minimize ang korapsyon sa hanay ng mga government officials.
Ginawa ni Carreon ang pahayag sa isang pulong ng mga government officials sa Davao City bilang tugon sa mga alegasyon na nais lamang dungisan ng ipinalabas na narco list ang kredibilidad ng mga politikong kasama sa listahan ng mga tinaguriang narco politicians sa bansa.
Binigyang diin ni Carreon na ang 46 na mga narco-politicians na isinapubliko ng Pangulo ay resulta ng 14 na buwang re-validation at workshop ng Philippine National Police (PNP), PDEA, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Sa gitna ng mga negatibong reaksyon partikular sa ilang mga mambabatas, iginiit ni Carreon na ang pagbubulgar ng mga mahahalaga at balidong impormasyon ay kailangang gawin para mabawasan o ma-minimize ang katiwalian sa hanay ng mga opisyal ng gobyerno at isulong ang mataas na antas ng katapatan sa serbisyo publiko na mag-aangat sa moralidad ng public administration.
Tinukoy pa ni Carreon ang mga desisyon ng Korte Suprema sa ilang mga kaso kung saan kinakatigan nito na ang “right to privacy“ ay hindi maaaring isangkalan kung ang interest ng bansa ang nasasangkot.
Ang ipinalabas na listahan ng 46 na narco politicians ay kinabibilngan ng 35 mayors, 7 vice-mayors, 1 provincial board member at 3 kongresista.
133