ISANG nagngangalang Noelle Prudente na naging tulay umano ng ilang negosyante kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. noong nakaraang eleksyon ang nasa likod ng paninira ngayon kay Executive Secretary Vic Rodriguez.
Isiniwalat ito ng isang source na malapit sa Malacanang matapos ang mga lumalabas na paninira kay Rodriguez na ang pinakahuli ay ang kumalat na artikulo na nagbitiw ito sa pwesto na malinaw na isang fake news.
Ayon sa source, tinuturing ngayon na power broker sa Malacanang si Prudente kung saan ilan sa sinasabing juicy position na ni-lobby nito ay ang Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Land Transportation Office (LTO).
Ipinagmamalaki umano ni Prudente na naging masipag siya sa pagsosolicit noong nakaraang eleksyon sa mga negosyanteng gustong tumulong sa UniTeam na karamihan ay Chinese businessmen sa Cavite.
Maraming negosyante ang pinangakuan ni Prudente na mabibigyan ng malaking projects kapalit ng hininging pera kaya naman para makontrol nito ang pagtatalaga ng mga opisyal sa gobyerno ay tinatarget niyang siraan si Rodriguez na tinuturing na ” little President” sa inilunsad niyang malawakang black propaganda, pagsisiwalat pa ng source.
Makasisira aniya sa administrasyon ang patuloy na presensya ni Prudente sa Malacañang dahil kilala ito na malapit sa mga negosyante at opisyal ng gobyerno na nahaharap sa ilang kontrobersiya at kaso.
Sa katunayan, ilan sa inirekomenda ni Prudente na maupo sa pwesto ay hinarang ni RJ Nieto, ang vlogger na kilala bilang Thinking Pinoy na isa umano sa mga miyembro ng screening committee ni Pangulong Marcos.
Sinabi ni Nieto na may “fictitious character” ang inirerekomenda ni Prudente kaya hindi ito maaaring maiupo sa pwesto.
Noong 2018 ay sinibak sa Bureau of Customs (BOC) ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang Noel Prudente, hindi naman batid kung iisang tao lamang ito o magkapangalan lamang. (SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
117