MULING kinalampag ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang mga ahensya ng gobyerno dahil wala pang nangyayari sa pangako ng mga ito na magtutulungan upang madagdagan ang flights para makauwi na ang mga stranded Overseas Filipino Worker (OFW) na nasa iba’t ibang bansa partikular na sa Saudi Arabia.
Nagpahayag ng pagkainip si Defensor dahil dalawang linggo na ang nakararaan simula nang mangako ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na daragdagan ang flights para maiuwi ang mga stranded subalit hanggang ngayon ay wala pa aniyang nangyayari.
“They committed to bring this problem to the attention of IATF and to arrange for more repatriation flights. That was two weeks ago and we have not heard from them since the IATF has relaxed travel restrictions, it should allow more inbound planes – whether commercial or charter – bringing in stranded OFWs,” ani Defensor, chairman ng House committee on public accounts.
Ayon sa mambabatas, mahigit 100,000 OFWs pa ang stranded sa iba’t ibang bansa kabilang na ang 88,000 na nasa Saudi Arabia na nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang COVID-19.
Kabilang umano sa mga stranded sa Saudi Arabia ang 300 bangkay ng mga OFW na namatay sa iba’t ibang sakit at maging sa COVID-19.
Sa pagdinig ng komite ni Defensor, dalawang linggo na ang nakararaan, sinabi ng DOLE at DFA na umaabot sa 167,000 OFWs ang nawalan ng trabaho sa iba’t ibang bansa na kailangang maiuwi.
Gayunman, mula noong Marso, mahigit 60,000 pa lamang umano ang naiuuwi dahil hanggang 1,000 OFWs lamang ang pinapayagan ng IAFT kada araw dulot ng nilimitahang flights ng mga eroplano.
o0o
1,400 LSIs
Samantala, tinatayang 1,400 indibidwal ang stranded sa Metro Manila.
Sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año sa public address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte nitong Miyerkoles ng madaling araw na may kabuuang 1,476 LSIs ang nananatili sa pangangalaga ng pamahaan hanggang sa sila’y makauwi sa kani-kanilang lalawigan.
Sinabi ng kalihim na may 4,180 stranded katao na ang nakauwi sa kani-kanilang pamilya noong Hulyo 4-5 habang 3,820 ay nakauwi nito lamang Hulyo 6-7.
Sa ilalim ng government protocols, ang mga stranded individual ay kailangan sumailalim sa rapid antibody testing at medical assessment bago payagan na makabalik sa kanilang mga lalawigan. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
