Nauna pang magsalita iba’t ibang bansa BBM KINALAMPAG SA ‘BULLYING’ SA AYUNGIN

HINDI lang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang dapat kumondena sa pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa barko ng PCG sa West

Philippine Sea (WPS) kundi si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ginawa ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang pahayag dahil hindi nagsasalita si Marcos sa panganib na idinulot ng CCG sa PCG na magdadala sana ng supply sa mga sundalo na nakadeploy sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal noong Sabado.

“This is a critical point for the Philippine government to stand with the Filipino people and end this one-sided diplomatic dance with China. President Marcos Jr. must openly condemn China’s aggressive actions in the West Philippine Sea which continues to threaten the livelihood and security of our fisherfolk and coastal communities,” ayon sa mambabatas.

Sinabi ng mambabatas na hindi katanggap-tanggap ang aksyon ng China at paglabag ito sa international law. Dapat aniyang magsalita si Marcos dahil kung hindi ay lalong magiging agresibo ang

China na maglalagay sa panganib sa seguridad ng bansa.

Matapos kumalat ang balita sa panibagong pambu-bully ng China, ilang foreign diplomats ang agad nagpahayag ng pagkabahala.

Sa tweet ni Australian Ambassador to the Philippines HK Yu, sinabi nito na ang kanyang bansa ay nababahala sa panibagong aksyon laban sa Pilipinas na inilarawan niya bilang “dangerous and destabilizing.”

“We reiterate our call for peace, stability, and respect for UNCLOS (United Nations Convention for the Law of the Sea) in the South China Sea – a vital international waterway,” ayon kay Yu.

Sa tweet naman ng Canadian Embassy sa bansa, tinukoy ang aksyon ng China bilang “unreservedly condemns the dangerous and provocative actions”.

Hindi anila katanggap-tanggap ang ginawa ng CCG at “inconsistent with the obligations of the People’s Republic of China (PRC) under international law.”

“Canada reiterates its support for international law, including the 2016 arbitral decision on the South China Sea, which is final and binding, and calls on the PRC to comply with its obligations under international law,” ayon sa embahada.

Muli namang ipinanawagan ng British Embassy Manila ang “peace and stability” sa rehiyon.

Habang si Luc Véron, European Union’s (EU) ambassador to the Philippines, ay nag-tweet na suportado ng EU ang Pilipinas at patuloy na pinaninindigan nito ang rules-based international order at nagpahayag ng suporta sa “legally binding nature of the 2016 South China Sea arbitration”.

Gayundin si Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa na nagpahayag ng suporta sa Pilipinas at nagsabing ang ginawa ng CCG ay “totally unacceptable.”

DFA pinakilos ng Senado

Samantala, kasabay ng mariing pagkondena, nananawagan ang ilang senador sa Department of Foreign Affairs (DFA) na ipatupad na ang kanilang mga rekomendasyon laban sa pambu-bully ng

China sa Philippine Coast Guard at mga mangingisdang Pinoy.

Sinabi ni Senate President Juan Miguel Migz Zubiri na ito ay panibagong “might vs. right” treatment kasabay ng pahayag na gusto lamang ng Pilipinas na makipagkaibigan subalit bakit anya mahirap mahalin ang China.

Katulad ni Zubiri, iginiit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na dapat nang matigil ang pambubully na ito at hinikayat ang DFA na ipatupad ang mga inilahad nilang hakbangin sa kanilang

Senate Resolution laban sa China kabilang na ang panawagan sa mga international community na himukin ang China na sundin ang 2016 arbitral ruling.

Sinabi naman ni Senador JV Ejercito na hindi dapat mapalampas ang panibagong bullying incident na ito na maituturing na insulto sa Pilipinas dahil sa patuloy na pagbibingi-bingihan ng China sa mga inilatag na diplomatic protest.

Pinakikilos din ni Senador Risa Hontiveros ang DFA sa panibagong insidenteng ito na paulit-ulit na anyang paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea at 2016 Arbitral Award.

Naniniwala naman ang ilang senador na maraming dapat ipaliwanag ang Chinese Ambassador to the Philippines sa panibagong insidente ng harassment.

Sinabi ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. na ang panibagong insidente sa Ayungin Shoal ay maituturing na direktang paghamak sa ipinaglalaban nating soberanya at karapatan sa ating exclusive economic zone.

Sinabi naman ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na dapat ipatawag ng DFA ang Chinese Ambassador at magpaliwanag kasabay na rin ng paghahain ng panibagong diplomatic protest.

Nanawagan naman si Senador Christopher Bong Go sa Chinese Government na ipakita ang respeto sa Pilipinas at tigilan ang pambu-bully sa mga Pilipino.

Iginiit ni Go na dapat ipaglaban ng bansa ang ating teritoryo at hindi dapat pumayag na apakan ng mga dayuhan.

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA)

156

Related posts

Leave a Comment