‘NGIWI GROUP’ NASA LIKOD NG PANGGIGIPIT KAY TEVES

ITINURO ni Negros Oriental 3rd district Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. ang aniya’y “Ngiwi Group” na nasa likod ng panggigipit sa kanya ng pamahalaan.

Naniniwala rin ang mambabatas na isa sa mga dahilan ng panggigipit sa kanya ang pagtutol niya sa Maharlika Investment Fund na itinutulak ng pamahalaan upang isugal ang pera ng taumbayan at mabawi ang umano’y nakaw na yaman ng pamilya Marcos.

Inalmahan ni Teves ang pakikipagsabwatan aniya ng kanyang mga kasamahan sa Kongreso na naging sunod-sunuran umano sa pamahalaan dahil sa takot na mawalan ng budget kung hindi makikisawsaw sa pilit na pagpapauwi sa kanya sa bansa gaya ng nais ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla at ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.

Iginiit din ng kongresista na ilegal ang suspensyon na ipinataw sa kanya ng Kamara dahil labing tatlong araw pa lamang siyang absent at humingi pa ng extension ngunit hindi ito pinagbigyan dahil sa utos ng mga miyembro umano ng tinaguriang “Ngiwi Group”.

Pinitik din ni Teves ang hindi paglalabas ng attendance record ng 17th hanggang 19th Congress upang ipakita sa taumbayan ang mga kongresista na mas marami pa ang absent ngunit hindi umano sinuspinde ng mababang kapulungan kagaya ng ginawa sa kanya.

Nanindigan ang mambabatas na hindi isusugal ang kanyang buhay sa kabila ng panawagan ng pamahalaan na umuwi siya at harapin ang mga akusasyon laban sa kanya. Pinangangambahan ng kongresista na mapatay tulad ng sinapit ni Ninoy Aquino na pinaslang habang pababa sa eroplano sa panahon ni Ferdinand Marcos Sr. noong August 21, 1983.

Dahil sa nalalaman at pagsisiwalat ni Teves ng mga ‘baho’ sa Kongreso ay pinangangambahang mas itutulak ng House committee on ethics na patawan siya ng mas mabigat na parusa upang mapatalsik bilang kongresista.

Matatandaang bumaliktad na ang lima sa labing isang suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at ibinunyag na tinorture sila at pinagbantaan kaya napilitang idawit bilang mastermind sa krimen sa Teves.

185

Related posts

Leave a Comment