(NI NICK ECHEVARRIA)
PUMALAG ang AFP-Northern Luzon Command (NOLCOM) na nakabase sa Camp Aquino, Tarlac sa campaign video ng isang senatorial candidate na kumakalat sa internet kaugnay sa agawan ng teritoryo sa pagitan ng Pilipinas at China at harassment sa mga Filipino na mangingisda sa West Philippine Sea, partikular sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.
Iniintriga umano ni senatoriable Neri Colmenares sa kanyang campaign video at ine-exploit ang pagkakaroon umano ng dredging ships ng China sa pinag-aagawang mga isla at ang pangha-harass sa mga kababayang mangingisda mula sa Zambales.
Binigyang-linaw ng NOLCOM na ang laman ng campaign video ni Colmenares ay ginawa nang walang kaukulang pag-aaral.
Pinasinungalingan ni NOLCOM Commander Lt.Gen. Emmanuel Salamat ang umanoy paggamit ng water canons ng mga Chinese vessels laban sa mga mangingisda at wala ring palatandaan na mayroong mga dredging ships ang China sa Bajo de Masinloc, matapos makipag-ugnayan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
“We have regular Navy and Coast Guard Maritime patrols in the northern maritime borders covered by our AOR to ensure freedom of navigation in the Sea Lines of Communication (SLOC),” dagdag pa ni Salamat.
Kaugnay nito, nanawagan si Salamat sa mga politiko na huwag i-exploit ang sensitibong pambansang usapin kung walang katibayan at kumpirmasyon para sa kanilang political ambition na maaaring ikaalarma ng publiko.
Tiniyak naman ng NOLCOM commander na ginagawa nila ang kanilang mandato na protektahan ang mamamayan at pangalagaan ang sovereign territory ng bansa sa kanilang area of responsibility kasama ang malawak na bahagi ng Northern Maritime areas nito.
131