OVERPRICING SA COVID TEST KITS, BAHALA NA ANG OSAP – MALAKANYANG

IPAUUBAYA na ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa Office of the Special Assistant to the President (OSAP) ang alegasyon ng overpricing sa presyo ng Philippine Health Insurance Corporation’s (PhilHealth) coronavirus disease 2019 (Covid-19) testing packages.

Naging madamot si Sec. Roque sa pag-komento ss isyu lalo pa’t nagsilbi siyang legal counsel ng dalawang complainants na siyang nagbunyag ng anomalya sa PhilHealth noong nakaraang taon.

“May conflict of interest na po ako diyan dahil ako mismo nagsampa ng kasong kriminal laban sa mga kurakot sa PhilHealth,” ayon kay Sec. Roque.

Noong Pebrero, naghain Sec. Roque sa Office of the Ombudsman ng graft complaint laban sa PhilHealth officials hinggil sa di umano’y non-remittance ng milyong halaga ng kontribusyon ng overseas Filipino workers (OFWs).

Kaya nga, sa halip ay ire- refer niya ang alegasyon ng overpriced na PhilHealth testing packages kay Undersecretary Jesus Melchor Quitain, na siyang pinuno ng OSAP sa ilalim ng Office of the President (OP).

“Ifo-forward ko po itong bagong akusasyon sa office po ni Sec. Quitain dahil si Sec. Quitain din po, siya yung gumawa ng naunang imbestigasyon sa PhilHealth na nagresulta sa pagtanggal ng ilang mga miyembro ng board of directors ng PhilHealth,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Sa ulat, kuwestiyonable ang binabayaran ng PhilHealth para sa gastusin ng mga pasyenteng may coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito ang isiniwalat ni Senador Franklin Drilon kung saan may potensiyal aniya na nagkakaroon ng ‘overpricing’ sa testing kits at packages.

Ayon kay Drilon, posibleng doble kasi ang binabayaran ng PhilHealth sa mga pribadong klinika kung saan umaabot ang COVID-19 test sa halagang P8,150 kada test.

Aniya, papalo ito sa P8.3-bilyon para lamang maitest ang nasa 2-milyong mga Pilipino.

Sinabi ni Drilon, kung susumahin kasi, dapat ay nasa P4,000 lamang ang singil ng mga klinika para sa COVID-19 test dahil nasa P1,500 lamang ang halaga ng testing kits, P2,000 para sa screening nito, at P500 charge ng mga klinika.

Giit ng senador, maliwanag na mayroong overpricing na nagaganap sa panig ng mga klinika na nagpoproseso ng COVID-19 tests.

71

Related posts

Leave a Comment