P1.27-B TOURISM PROMO SIRA SA MANDURUKOT SA NAIA

SA isang iglap, nawalan ng silbi ang P1.27 billion na inilaan ng Department of Tourism (DOT) para i-promote ang Pilipinas sa mga dayuhang turista dahil sa mga mandurukot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ang dismayadong pahayag ni House deputy speaker Ralph Recto kaugnay ng viral video kung saan dinukutan ang isang Thailand national ng isang Office of Transport Security (OTS) officer ng halagang 20,000 yen na ipinasa sa kanyang kasamahan.

Mabuti na lamang at nakunan ng video ng kababayan ng biktima ang pangyayari.

Bagama’t ibinalik ang pera matapos mapansin na kinukunan sila ng video ay sinira nito ang reputasyon ng bansa at maging ang pondong ginamit ng DOT para ibenta ang Pilipinas sa mga dayuhang turista.

“That viral footage has inflicted a reputational damage which could cancel gains from DOT’s P1.27 billion branding offensive this year.

Ilang libong piso ang ninakaw sa isang pasahero, pero milyun-milyon ang posibleng mawala sa ating ekonomiya,” ani Recto.

Sinabi ng mambabatas na hindi nagkukulang ang gobyerno para suportahan ang mga security officers sa NAIA dahil kada araw ay gumagastos ang OTS ng P1 million para sa pasuweldo sa kanilang operasyon.

Bukod dito, may parte rin aniya ang OTS sa kinokolektang NAIA terminal fee, na P300 mula sa domestic passengers at P750 naman kung sasakay ng international flights.

Patunay ito na hindi nagkukulang ang gobyerno para sa pasuweldo at benepisyo ng OTS employees kaya nakadidismaya na may mga bulok aniyang OTS employees na sumisira hindi lamang sa kanilang organisasyon kundi sa bansa sa kabuuan.

Inirekomenda rin ng mambabatas na maglagay na ng CCTV sa mga blindspot sa lugar ng kanilang operasyon sa NAIA. (BERNARD TAGUINOD)

156

Related posts

Leave a Comment