P145 KALTAS SA SAHOD SA TUPAD INALMAHAN

INALMAHAN ng mga benepisyaryo sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ang P145 kinakaltas ng kinontratang remittance center ng Department of Labor and Employment (DOE).

Kwento ng mga nagrereklamong residente mula sa Tondo, Maynila, makailang ulit silang tinanggihan ng kanilang mga unang pinuntahang Palawan Express branch hanggang sa ituro sila sa isang sangay sa kahabaan ng kalye Juan Luna.

Pagdating sa naturang sangay, pumila sila ng “pagkahaba-haba” at nang matanggap nila ang kanilang pinaghirapang sahod sa ilalim ng “cash-for-work” program ng DOLE, laking gulat nilang kinaltasan ang bawat isa sa kanila ng halagang P145.

Bukod sa P145 kaltas sa kanilang kakarampot na sahod, inobliga rin umano silang kumuha ng Palawan Express Suki Card sa halagang P100.

“Grabe naman yan Palawan Express na yan. Marami sa mga branches nila, ayaw maglabas ng pera… kung saan-saang branch kami tinuro. Nung finally may pumayag magdisburse ng pondo, kotong naman ang inabot namin,” hinanakit ng isang ginang na pumila ng tatlong oras sa sangay ng Palawan Express sa kahabaan ng Juan Luna.

Panawagan sa pamahalaan ng mga kinaltasan, kumuha ng mas mainam na remittance center na hindi sila ituturo kung saan-saan at hindi ganun kalaki ang kakaltasin.

“Para na nila kaming kinuhanan ng limang kilong bigas sa siningil na service charge ar Suki Card. Kung sa iba maliit na halaga, sa aming mga maralita, malaking kabawasan kasi pinaghirapan talaga namin yun,” pahabol ng isa pa. (RENE CRISOSTOMO)

82

Related posts

Leave a Comment