Cong. Nograles: Gastos, batas at kalikasan protektahan
Tiniyak ni Rizal Rep. Fidel Nograles na babantayan nito ang pagtatayo ng P18.7 bilyon Kaliwa Dam upang masiguro na walang batas na malalabag at mapoprotektahan ang kalikasan.
Ang pagtiyak ay ginawa ni Nograles sa harap na rin ng pagbibigay na ng go signal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at China Energy Engineering Co. Limited na simulan na ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam project.
Matatandaan na si Nograles ay una nang naghain ng House Resolution 309 sa Kamara na humihiling na imbestigahan ang New Centennial Water Source-Kaliwa Dam Project (NCWS-KDP) at ang pagbibigay ng kontrata sa China Energy Engineering Co. Limited, ayon sa mambabatas na nakakuha ito ng impormasyon na naigawad pa rin sa Chinese firm ang kontrata gayong kulang ang mga pre-qualification requirements nito.
Hindi man natuloy ang hangad na imbestigasyon ni Nograles ay siniguro naman nitong kanyang babantayan mula sa simula hanggang sa matapos ang proyekto para masiguro na magpapatupad ang Chinese firm ng mga hakbang na hindi makaaapekto sa kapaligiran, sa kalusugan ng komunidad at kapakanan ng mga residente.
“Dapat isaalang-alang ang kapakanan ng kapaligiran sa lahat ng mga gagawin at aspeto ng proyekto. Ang hindi pagsunod sa anumang probisyon sa sertipikong ito ay magiging sapat na dahilan upang kanselahin at patawan ng multa na hindi lalampas sa P50,000 para sa lahat ng paglabag,” paliwanag ni Nograles.
Dagdag pa ni Nograles na hindi dapat na maging kampante ang Chinese firm dahil sa nabigyan na sila ng go-signal para ituloy ang proyekto, dahil bawat kilos nito ay kanyang imo-monitor at dapat ay naaayon sa itinatakda ng batas at sa napagkasunduang kasunduan.
Ilan umano sa babantayan ni Nograles na hindi dapat malalabag alinsunod na rin sa nakapaloob sa permit ng Chinese firm ay ang pagtiyak na mapepreserba ang mga sagradong lugar at libingan ng mga katutubo; gumawa ng maayos na hakbang para mapreserba at mapangalagaan ang Tinipak Spring at Tinipak White Rocks; magpatupad ng information campaign sa lugar na pagtatayuan ng proyekto; magsumite ng memorandums of agreement na kasama ang pagsang-ayon ng may kinalamang local government units para sa social development programs at pagbibigay proteksyon sa mga cultural heritage ng Dumagat tribes; at pagsusulong ng integrated watershed management plan upang “tiyakin na ang itatayong istruktura ay matatag o matibay ang dam – na alinsunod sa international standard ang disenyo”.
407