P2.368-T INVESTMENTS NG MARCOS ADMIN – BOI

INIULAT ng Board of Investments (BOI) na nakapag-produce ang kasalukuyang administrasyon ng P2.368 trillion investments.

Kabilang sa pigura na ito ang kinalabasan o resulta ng foreign trips ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang kalatas ng BOI ay inilabas dalawang araw matapos iulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang foreign investment pledges ay bumulusok ng mahigit sa 63.6% mula Enero hanggang Marso kumpara sa kaparehong panahon ng nakaraang taon.

Gayunman, nais namang ipakita ni BOI Director Sandra Recolizado ang ‘bigger picture’, pagpapakita ng pigura mula Hulyo 2022 hanggang Abril 2024.

Aniya pa, ang P2.368 trillion na kabuuan ay binubuo ng 157 proyekto, may katumbas na $42 billion na halaga ng investments, subalit hindi kasama ang ibang data mula sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at ibang investment promotion agencies.

“Para po sa BOI, ‘yung presidential visits are also a good way to promote the Philippines,” ayon kay Recolizado.

Sa pagbaba sa first quarter ng 2024, sinabi ni Recolizado na mayroon kasing pagtaas na 9.59% sa foreign direct investments (FDI) mula Oktubre hanggang Nobyembre 2023.

Aniya pa, tumaas ang FDI ng 30% mula Nobyembre hanggang Disyembre 2023, bumulusok ng 90% nitong Enero at tumaas ng 30% sa buwan ng Pebrero.

Samantala, sinabi pa ni Recolizado na mayroong 48% cumulative growth rate noong Enero hanggang Pebrero 2024 mula sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.

“Para sa akin good indicator ‘yung commitments na nakuha natin nari-realize. May confidence pa rin naman ang investors sa Philippines,” aniya pa rin.

Makikita sa data na iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang aprubadong foreign investment commitments na naka-libro sa investment promotion agencies ng bansa ay umabot sa P148.43 billion sa panahon ng Enero hanggang Marso.

Ito ay mas mababa ng 63.6% mula P408.22 billion sa foreign investment pledges na nakuha sa kaparehong panahon noong 2023.

Ang mga inaprubahang foreign investments sa nasabing panahon ay mula sa Board of Investments (BOI), Clark Development Corporation (CDC), Cagayan Economic Zone Authority (CEZA), Philippine Economic Zone Authority (PEZA), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Mayroon namang walo na investment promotion agencies, ang napaulat na “no foreign investment approvals for the quarter.”

Samantala, simula nang maupo sa pwesto noong Hunyo 30, 2022 at hanggang sa pagtatapos ng 2023, bumiyahe ang Pangulo palabas ng bansa ng 19 na beses. Sa taong 2023 lang, nagkaroon siya ng 11 overseas trips. (CHRISTIAN DALE)

46

Related posts

Leave a Comment