(Ni Estong Reyes)
NAGHAIN ng isang resolusyon si Senador Leila De Lima upang paimbestigahan sa Senado ang implementasyon ng Phase 1 ng Chinese-funded “Safe Philippines Project” na maglalagay ng mahigit 10,000 closed-circuit television (CCTV) security camera sa mga pampublikong lugar sa Metro Manila at Davao City.
Sa paghahain ng Senate Resolution No. 275, hiniling ni De Lima sa kasamahan na imbestigahan ang inisyal na implementasyon ng kasunduan sa pagitan ng Department of Interior and Local Government at China International Communications and Construction Corp. upang matiyak na protektado ang pambansang seguridad at state secrets.
“Granting a country whose global reputation for its forceful espionage activities has raised worldwide concern, the opportunity to create a surveillance system in our country should raise a red flag for our policymakers to ensure that none of our national interests are compromised by such agreements, particularly our national security,” aniya.
“Commercial contracts with companies whose international operations have put at risk the right of the people to privacy, entails careful scrutiny and utmost diligence in order to prevent abuses and violation of rights,” dagdag ng senador.
Noong nakaraang taon, lumagda ang pamahalaan sa 129 kasunduan sa China, kabilang ang kontrata ng DILG at CITCC para sa instalasyon ng P20 bilyong halaga ng network na security cameras sa public places sa buong Metro Manila at Davao City.
Sa ilalim ng multibilyong kontrata, magsusuplay ng kagamitan ang naturang kumpanya kabilang ang Huawei para sa proyekto na tinaguriang “Safe Philippines.”
Nitong 17th Congress, may ilang senador ang nagpahayag ng pagkabahala sa inaprubahang “Safe Philippines Project” dahil banta ito sa pambansang seguridad. Pero inilunsad ang proyekto sa Marikina City noong nakaraang buwan.
Sa unang yugto ng proyekto, gagamit ito ng advanced information at communication technology na kinapapalooban ng video monitoring, multimedia critical communication, information technology at command center system.
Pero, sinabi ni De Lima na may pangangailangan na imbestigahan ito ng Senado dahil nakasalalay rito ang karapatan ng mamamayan sa privacy dahil nakakakolekta ng impormasyon sa pamamagitan ng pagtitiktik na gumagamit ng aparatong mula sa China sa ilalim ng kuwestiyonableng proyekto.
175