P33.7-M PINITIK SA BIGAS SCAM

(BERNARD TAGUINOD)

TUMATAGINTING na P33.7 million ang nalugi sa gobyerno sa ibinentang bigas ng National Food Authority (NFA) sa pribadong negosyante.

Ito ang inisyal na resulta ng unang araw ng pagdinig ng House committee on agriculture and food sa rice scam na kinasasangkutan ng NFA officials sa pangunguna ni suspended Administrator Roderico Bioco.

Sa testimonya ng whistleblower na si NFA Assistant Administrator for Operations Lemuel Pagayunan sa komite, P34 umano ang puhunan ng ahensya sa bigas na ibinenta ng grupo ni Bioco sa dalawang rice traders sa P25 kada kilo.

“Thirty four pesos ang capital kaya nine pesos ang subsidy,” ani Pagayunan, subalit ibinenta lamang ito ng P25 kaya “ang sinubsidize ng nine pesos ay rice traders”.

Dahil umaabot sa 75,000 bag o katumbas ng 3,750,000 kilos ang ibinentang bigas sa presyong P25 kada kilo, lumalabas na P33,750,000 ang sinubsidize ng NFA sa mga pinaborang rice traders.

Base sa mga report, ibinenta ng mga pinaborang rice traders ang nabiling bigas sa halagang P52 kada kilo kaya kung susumahin, bukod sa P33,750,000 na natipid ng mga ito ay tumubo ang mga ito ng P101,250,000.

Ayon kay Pagayunan, maganda ang kalidad ng bigas na ibinenta. Malaking kasalanan din aniya ang utos ng mga opisyales ng NFA na ire-bag ang bigas bago ito ibinenta nang walang bidding.

Tulad ng inaasahan, sinabon ng mga kongresista si Bioco at binalaan ni House assistant majority leader Erwin Tulfo na ipakukulong sa Kamara kung pabago-bago ang kanyang testimonya.

Hindi rin bumenta ang depensa ni Bioco na mabubulok na ang mga ibinentang bigas dahil bago ito ay nag-request ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng supply na gagamitin sa mga kalamidad subalit tinabla ito ng NFA.

Gayunpaman, inamin ni Bioco, mula nang maluklok ito bilang Administrator noong Enero 2024, ay umabot umano sa 150,000 bags ang kanilang naibenta sa private rice traders subalit noong 2022 nagbenta umano ang ahensya ng 4 million bags at karagdagang 3 million bags noong 2023.

Samantala, para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., isang “safe measure” kontra sa maling gawain ang suspendihin ang 139 opisyal at empleyado ng National Food Authority (NFA), kabilang na ang pinuno nito.

Ang pahayag na ito ng Pangulo ay pagsuporta na rin sa naging desisyon ng Office of the Ombudsman na patawan ng anim na buwang preventive suspension sina NFA administrator Roderico Bioco, NFA assistant administrator for operations John Roberto Hermano, 12 regional managers, 27 branch managers, at 98 warehouse supervisors.

Aniya, ang sitwasyon sa NFA ay hindi lamang nagsasangkot sa maanomalyang pagbebenta ng bigas kundi may ilang pamamaraan sa ahensiya ang isinagawa nang walang board approval at hindi idinadaan sa tamang talakayan.

Ayon sa Chief Executive, ang transaksyon ay ginawa ng walang go signal ng Department of Agriculture (DA) at “with the rest of the Cabinet.”

“So, we have taken the safe measure of suspending all of those who have been shown to may have been involved in any of these wrongdoings such as the anomalous sale but also the cavalier way in which the procedures that have been set out in the rules have been ignored,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang taped interview habang nasa Melbourne, Australia.

(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

39

Related posts

Leave a Comment