(NI DANG SAMSON-GARCIA)
NANGAKO si Senate Finance Committee Chair Senador Sonny Angara na mahahanapan ng pondo ang kinakailangang P300 hanggang P400 milyon para sa modernisasyon ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ang kailangan lamang anya ay makapagsumite ang Department of Justice (DOJ) ng pag-aaral kung paano gagawin ang computerization at automation ng talaan ng mga preso.
“Yes, sana mapag-aralan na nila para 2020 ma-implement na yun kasi kailangan na talagng i-modernize,” diin ni Angara.
Isa anyang posibleng pagkunan ng pondo ay ang inilalaan dapat na budget sa Barangay at SK elections na malaki na ang posibilidad na mapo-postpone.
Kinumpirma rin ni Angara na sa ngayon ay on target pa sila sa pagpapasa ng 2020 National Budget bagama’t hinihintay pa nila ang ipinasang bersyon ng Kamara.
Kasabay nito, hindi maipangako ni Angara na mapopondohan ang ipinapanakulang pagtatayo ng mga regional jails sa gitna ng mga nadiskubreng iregularidad sa New Bilibid Prisons (NBP).
Nasa plenaryo na ng Senado ang panukala para sa pagtatayo ng Regional Jails kung saan ililipat ang mga high profile inmates upang mabawasan ang pagsisiksikan sa NBP.
Ipinaliwanag ni Angara na ayaw nilang maulit ang pagkakatengga ng budget para sa pagtatayo ng mga Bahay Pagasa ngayong taong ito makaraan nilang hanapan ng pondo noong isang taon dahil lamang sa hindi pa rin naipapasa ang pag-amyenda sa Juvenile Justice Act.
“Alam mo again theoretically pwedeng ipasok yan kasi yan ang ginawa dun sa Juvenile Justice Law. Kaso dun sa law hindi klaro sino gagawa, so ang ginawa nagpasok tayo ng pondo kaso di naipasa ang batas yung amendment so yung pera andun nakatengga,” paliwanag ni Angara.
“Dahil nauna ang pera yung amendment to the law was not passed, so ayaw din natin mangyari yun kasi pwede natin ilagay ang pondo pero kung di naman maipasa ang batas matutulog ang pera so sayang din,”dagdag pa ng senador.
Ang maaari anya nilang gawin ay maglaan na lamang muna ng inisyal na pondo para sa pagtatayo ng regional jail facilities.
181