P5.4-B ‘DI NAKOLEKTA NG PCSO SA STL OPERATORS

UMAABOT sa P5.4 billion ang hindi nakolekta ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga operator ng Small Town Lottery (STL) noong nakaraang taon.

Ito ang natuklasan ng mga mambabatas sa Kamara sa pagdinig sa budget ng PCSO sa susunod na taon.

Sa pagtatanong ni OFW party-list Rep. Marissa Magsino, inamin ni PCSO Assistant General Manager Atty. Lauro Patiag na umabot sa nasabing halaga ang collectibles sa STL operators noong 2022.

Ayon kay Patiag, ang nasabing halaga ay hindi nakolekta sa mga STL agents o operators na pinatigil na ang operasyon sa iba’t ibang kadahilanan subalit hindi agad nakapagbigay ang opisyal ng datos kung ilang ahente ang may utang.

Nanghihinayang naman si Magsino sa napakalaking pera na hindi nakolekta ng PCSO gayung maraming nangangailangan ng tulong para sa kanilang pagpapagamot.

Ayon sa mambabatas, hindi dapat kalimutan na lamang ang obligasyong ito ng mga ipinasarang STL operator.

Subalit ayon kay Patiag, inendorso na umano ng mga ito sa legal division ng PCSO ang paghahabol sa STL operators upang makolekta ang nasabing halaga.

Samantala, kinumpirma rin ni Patiag na taon-taon ay umaabot sa P2.5 billion prizes ang hindi kinukubra ng mga tumataya ng lotto.

“Based on historical data, we have these forfeited prizes that are not claimed,” ani Patiag sa pagtatanong ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.

Ipinaliwanag ng opisyal na ang maliliit na panalo ng lotto winners ay karaniwang hindi pinapansin dahil tanging ang jackpot ang kanilang puntirya.

“The practices of our bettors, palaging hinahanap nila yung jackpot eh. Hindi na sila interesado sa low prizes except sa may isang jackpot na hindi na-claim pero sa record namin, low key prizes ang significant amount na nag-contribute dun sa forfeited prizes,” ani Patiag.

(BERNARD TAGUINOD)

217

Related posts

Leave a Comment