P500 ANNUAL MEDICAL ALLOWANCE NG MGA GURO ‘DI PA MAIBIGAY

guro12

(NI BERNARD TAGUINOD)

BAGAMA’T pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P3.757 Trillion budget ngayong taon, kabado pa rin ang mga guro na hindi maibibigay sa mga ito ang dagdag na benipisyong nakapaloob sa pambansang pondo kasama na ang napakaliit na P500 annual medical allowance at P1,000 World Teachers’ Bonus.

Ayon sa grupo ng ACT Teachers party-list na kinakatawan nina Reps. Antonio Tinio at France Castro, hindi dapat ilagay sa tinatawag na “conditional implementation” ang mga benipsyong ito ng mga guro dahilan karapatan nila ito.

Ginawa ng nasabing grupo ang pahayag matapos sabihin umano ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ang mga teachers’ benefit at allowance at ang pagtatag ng teaching position ay isinailalim umano sa conditional implementation upang masiguro na nakasunod ito sa umiiral na batas at regulasyon.

Kabilang sa mga inaasahan ng mga public school teachers na matatanggap ngayong napirmahan na ang pambansang pondo ay ang P500 na annual medical allowance at P1,000 na World Teachers’ Bonus.

Dahil dito, dapat umanong ibigay nang walang kondisyon ang mga benepisyong ito ng mga public school teachers dahil kailangan na kailangan nila ito para sa kanilang kalusugan.

Maliban dito, ito na lamang ang sigurado dahil hindi pa anila tinutupad ni Duterte ang kanyang pangako sa mga public school teachers noong 2016 presidential election na itataas niya ang sahod ng mga ito.

 

 

307

Related posts

Leave a Comment