NASA BALAG TALAGA TAYO NG ALANGANIN

SA TOTOO LANG

Nasa balag ng alanganin ang ating pamahalaan sa i­syung nauungkat muli ngayon.

Ito ang isyung kinapapalooban ng bansang China at Pilipinas at kung mayroon mang dapat maging maingat ay tayo iyon.

May protesta kasi tayo sa China sa panghihimasok nito sa West Philippine Sea pero tila ayaw nila itong pagtuunan ng pansin. Namamaliit lamang tayo.

Kamakailan kasi ay dumaing ang ating mga mangingis-dang Filipino sa nasaksihan nilang mga sirang bahura o corals sa Scarborough Shoal na siyang sakop ng exclusive economic zone ng ating bansa.

Dahil dito, nakikitang isang paraan ng bansa ay pag-hingi ng tulong sa bansang Amerika. Pero mukhang mahirap pagdesisyunan kung ano ba ang mga tamang hakbang dahil iba ang sitwasyon ngayon.

Dapat isaalang-alang ng Pilipinas ang tulong na i­binigay ng China sa atin. Kung inyong matatandaan may utang tayong 3.6 bilyon na kailangang bayaran sa loob ng 20 taon at gagamitin ito sa konstruksyon ng Chico River Pump Irrigation Project. Samantala ay military ally natin ang Amerika at pupuwede ang paghingi natin ng tulong sa kanila para sa ating diplomatic protests. Ito rin naman ang binitiwang pangako noon ni US Secretary of State Mike Pompeo.

Maninimbang tayo nang husto sa sitwasyon na nangyayari sa ngayon. Mataas ang respeto at pagkilala ng a­ting Pangulong Rodrigo Duterte sa China at sa tulong na i­binigay ng kanilang presidente.

Sa dami ng advisers ng ating pangulo dapat suriin nilang mabuti ang mga tamang opsyon kung paano tayo lalaban nang patas – ayon sa pagiging patas sa basehan ng China. Kaya mahirap na galawan ang mangyayari sa atin dahil may utang na loob tayo sa China. Sa totoo lang malaking utang ngang maikokonsidera ito.

Malaking isyu ang ating kinakaharap at siguradong may sisihan o turuan dito. Marami ang aalma, marami ang magpoprotesta – mga Filipino sa kapwa Filipino. Ito na naman tayo, mauubos na naman ang panahon at pondo sa pagharap sa problemang sana noon pa natapos. Naroon na naman ang ating tanong kailan tayo makakawala sa isyu sa West Philipppine Sea? (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

80

Related posts

Leave a Comment