P500-P1K MULTA SA MAGLALARO SA BAHA

IPINAGBABAWAL na sa buong Metro Manila ang maglaro, magtampisaw, tumambay at maligo sa tubig-baha.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Department of Health Secretary Teodoro Herbosa Jr. na layon nito na maiwasan ng mga tao na magkaroon ng sakit na leptospirosis.

“So, ang good news ko diyan, last week nag-meeting ang Metro Manila Council (MMC) naglabas ng resolution na pinagbabawal sa buong Metro Manila ang maglaro, magtampisaw, pero kung ikaw ay lulusong sa baha para iligtas ang bahay mo, ang kamag-anak mo, hindi bawal iyon. Ang bawal iyong mga naglalaro, nagtatampisaw at nagtatambay, naliligo sa baha,” ayon kay Herbosa.

Ang sinoman aniyang lalabag sa naturang resolusyon ay pagmumultahin ng P500 hanggang P1,000 kapag bata at P1,000 hanggang P2,000 kapag matanda o adult.

Bahala naman aniya ang ibang lungsod kung ipatutupad din ng mga ito ang nasabing resolusyon sa kanilang nasasakupan.

“So, ang sinabi ng Metro Manila Council, lead ang President ngayon, iyong mayor ng San Juan, si Mayor Zamora, sabi niya, bahala na iyong mga city mag-implement ng ordinansa on penalty.

Pero at least kumampi sa akin iyong naglabas ng resolution,” ayon sa Kalihim.

Kamakailan ay inaprubahan ng MMC ang isang resolusyon na humihimok sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na magsagawa ng information drive at kampanya upang mapataas ang kamalayan ng publiko tungkol sa leptospirosis.

Inihayag ni MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes, na sa pamamagitan ng MMDA Regulation No. 24-003 series of 2024 pinagbabawalan na ang mga bata at matatanda na lumangoy at maglaro sa tubig-baha.

Ayon kay Artes, maaaring magpasa ang bawat LGU ng kanilang sariling mga ordinansa at multa para sa mga lalabag sa regulasyong ito.

Karaniwang tumataas ang mga kaso ng leptospirosis tuwing tag-ulan, lalo na kapag may mga bagyo at pagbaha sa maraming bahagi ng National Capital Region (NCR).

Pinayuhan naman ni Health Undersecretary Dr. Gloria Balboa ang mga LGU na tiyakin ang maayos na pagtatapon ng basura, pagpapanatili ng kalinisan, at pagkontrol sa mga daga sa kanilang mga lugar upang maiwasan ang leptospirosis. (CHRISTIAN DALE)

40

Related posts

Leave a Comment