P60-M KONTRABANDO NASABAT SA BOC-SUBIC

customs

(NI JAY-CZAR LA TORRE)

SUBIC BAY FREEPORT- Umaabot sa P60 milyong ‘misdeclared’ na asukal at iba’t ibang klaseng paputok ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs Subic sa New Container Terminal 1.

Ayon kay Port of Subic District Collector Maritess Martin, 34 sa 35 container ang naglalaman ng ‘unrefined’ na asukal habang ang isa ay naglalaman ng samu’t-saring paputok. Ang naturang shipment ay nagmula pa sa Hongkong na dumating sa bansa noong Marso 31 hanggang Abril 7.

Sinabi pa ni Martin na matapos siyang nakatanggap ng impormasyon tungkol sa ini-smuggle na mga kontrabando ay agad ipinag-utos na magsagawa ng 100 porsyentong pagsusuri sa mga nabanggit na container. Aniya pa, ang mga container ay nakadeklara sa kompanyang JRFP International Trading, isang port user ngunit hindi isang Subic Freeport Locator.

Ang 34 na container ay nakadeklarang naglalaman lamang ng mga ‘floormat’ at ‘plastic wall covering’ ngunit 21,760 bag ng unrefined na asukal mula sa Thailand ang nilalaman habang ang isang container naman ay nakitaan ng mga kahon ng mga iligal na paputok.

Naglabas na ng warrant of seizure and detention para sa mga nasabat na kargamento noong Abril 12 at agad na nag- utos si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero upang ipawalang-bisa ang Customs accreditation ng parehong importer at Customs broker gayundin ang pagsasampa  ng kaso sa paglabag sa Section 1401 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

“Hindi kami makapapayag na magpatuloy ang mga iligal na mangangalakal na  lumabag sa ating batas. Ang Bureau of Customs ay patuloy na kumikilos upang paigtingin ang ating anti-smuggling measures sa pamamagitan ng pagbili ng mga makabagong kagamitan para masuri ng mabuti [ang mga kargamento] at ang pagkakaroon ng koordinasyon sa mga ahensyang katulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Coastguard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang mapaigting ang puwersa laban sa smuggling,” diin ni Guerrero.

115

Related posts

Leave a Comment