P885-M PINSALA SA AGRIKULTURA NG MASAMANG PANAHON

TINATAYANG umabot na sa P885 milyong piso ang pinsala sa agrikultura mula sa pinagsamang epekto ng weather systems simula Enero 2.

Makikita sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na may kabuuang P885,165,517.43 halaga ng production loss ang naitala sa Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at Caraga.

Mayroon namang 39,984 magsasaka at mangingisda ang apektado sa mga nasabing lugar dahil sa malakas na pag-ulan at pagbaha dala ng low pressure areas, shear line, at Northeast Monsoon o Amihan.

Iniulat din ng National Irrigation Administration na may P25,610,000 ang halaga ng pinsala.

Samantala, dahil na rin sa masamang panahon, may P539,239,624.68 halaga ng pinsala sa 265 imprastraktura sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Central Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at Bangsamoro Region.

Sa pagtataya, ang halaga ng pinsala sa ibang assets gaya ng educational materials at electronics ay umabot sa halagang P45,329,951 para sa mga lugar na gaya ng Calabarzon, Mimaropa, at Bicol Region.

Umabot naman sa 39 katao ang namatay, habang limang indibidwal ang nawawala.

Sinabi ng NDRRMC na may 1,955,741 katao o 479,052 pamilya ang apektado sa 2,565 barangays sa buong bansa.

Sa nasabing bilang, 88,214 ang displaced na katao o 21,465 pamilya ang nananatili sa 307 evacuation centers, habang 27,705 katao o 8,353 pamilya ang nanunuluyan sa labas ng evacuation centers.

Mayroon ding 1,847 bahay ang napinsala na nagkakahalaga ng P3,726,000 dahil sa masamang panahon. Mayroon namang 1,299 ang partially damaged habang 548 ang totally damaged.

“Assistance worth P102,369,573.19 was provided to the victims, ” ayon sa NDRRMC. (CHRISTIAN DALE)

251

Related posts

Leave a Comment