P90-B PHILHEALTH FUND IPINAGKAIT SA MAHIHIRAP

(BERNARD TAGUINOD)

BAGAMA’T binuhusan ng gobyerno ng limpak-limpak na salapi ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), halos P90 billion ang hindi nito ginamit para sa mahihirap, senior citizens at persons with disability (PWDs) sa nakaraang tatlong taon.

Ito ang lumabas sa oversight committee hearing ng House committee on appropriations ukol sa napakalaking pondong hindi nagamit ng PhilHealth.

Sa interpelasyon ni Marikina Rep. Stella Quimbo na siyang namuno sa imbestigasyon, kinumpirma ni PhilHealth President Emmanuel Ledesma Jr., na umaabot sa P89.9 billion ang excess funds sa government subsidy mula 2021 hanggang 2023.

Ayon kay Quimbo, may direct at indirect collection ang PhilHealth kung saan ang una ay kinukuha sa kontribusyon ng mga miyembro habang ang huli ay subsidiya ng gobyerno taon-taon para sa mga hindi miyembro na mahihirap, senior citizens at PWDs.

Gayunpaman, natuklasan ng Kamara na noong 2023 ay P38.8 billion ang excess fund ng PhilHealth mula sa subsidy ng gobyerno; P24 billion noong 2022 at P27.1 billion noong 2021 o P89.9 billion sa kabuuan.

Malaking tulong aniya ang pondong ito kung ginamit sa kapakinabangan ng mamamayang Pilipino.

Sa ngayon ay P5,000 lamang ang natatanggap na tulong ng matatanda at PWDs sa PhilHealth habang P3,000 naman sa mahihirap na hindi miyembro.

44

Related posts

Leave a Comment