NAGPAHAYAG ng buong suporta ang hog raiser associations, cooperatives at veterinary practitioners sa programa ng Department of Agriculture (DA) na pagbabakuna laban sa African Swine Fever (ASF), sa pamamagitan ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Ayon kay Nicanor ‘Nikki’ Briones, pangulo ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Party-list, simula nang magka-outbreak ng ASF noong 2019, malaki ang epekto nito sa lokal na produksyon at suplay ng baboy, na nagresulta sa pagkalugi sa kabuhayan ng maraming magbababoy sa bansa.
Nagpapasalamat ang mga magbababoy na sinimulan na ng DA ang kanilang ASF vaccination program.
Sinabi naman ni Chester Tan, National Federation of Hog Farmers, Inc. Chairman/President na tiwala siya na malaki ang maitutulong ng bakuna sa pagsugpo sa sakit na ASF.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Rolando Tambago, presidente ng Pork Producers Federation of the Philippines na nakikiusap ang grupo ng mga magbababoy na bilisan ang vaccination program laban sa ASF sa mga probinsya na may mga naitalang kaso ng nasabing sakit sa baboy, partikular sa mga backyard hog raisers na apektado ng outbreak. Hinihiling din ni Agap Congressman Nikki Briones na ipatupad ang isang sistematikong roll-out sa pag-deputize ng mga vaccinator at pagpapakilos ng Local Government Unit (LGU), ahensya ng gobyerno at sa partisipasyon ng mga kooperatiba, private veterinarians, suppliers ng veterinary products, at iba pang volunteers upang agarang maiturok ang 10,000 doses sa baboy ng backyard raisers.
Sa kasalukuyan, 46 baboy ang nabakunahan sa unang araw, at aabutin ito ng pitong buwan upang ganap na maibigay ang mga naturang doses ng bakuna sa ASF.
Ang DA, sa pamamagitan ng BAI, maaaring magtalaga ng private veterinarians upang tumulong sa pagbabakuna, habang ang mga akreditadong laboratoryo ng DA-BAI, maaaring pahintulutan na magsagawa ng blood testing galing sa mga baboy bago ang pagbabakuna.
Sa pamamagitan nito, makatitiyak tayo sa mabilis na pangangalaga sa industriya ng baboy laban sa ASF.
Pinupuri ng grupo ng mga magbababoy ang DA at BAI sa pagsisikap nito sa pag-oorganisa ng programa sa pagbabakuna.
Umaasa ang grupo na papayagan ng DA at FDA ang commercial use na paggamit ng bakuna sa ASF sa susunod na buwan matapos na malaman kung may sapat na antibody ang mga nabakunahang baboy para labanan ang ASF.
Ayon kay Cong. Briones, ito ay para sa kapakinabangan ng mga pork producer and consumers.
47