(NI BETH JULIAN)
PAALALA sa mga tax payers.
Inihayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na wala itong itinakdang extension para sa pagbabayad ng buwis.
Sa press briefing sa Malacanang, hinikayat ni BIR spokesperson Atty. Marissa Cabreros ang publiko na agad na magbayad at huwag nang hintayin pa ang deadline sa April 15 bago magbayad ng buwis
Ayon kay Cabreros, ngayon pa lamang ay dapat nang tiyagain ng publiko ang pagtungo at pagpila sa mga BIR office para makapagbayad upang maiwasan ang mahabang pila.
Babala ni Cabreros na kapag nahuli sa pagbabayad ay awtomatikong papatong na sa kanilang bayaring buwis ang penalties tulad ng surcharge at interes.
Paliwanag ni Cabreros na hindi na palalawigin ang araw o deadline ng bayaran dahil pasok na sa April 15 panahon ng Semana Santa.
Sinabi ni Cabreros na para mapabilis ang transaksyon ay maaari ring i-download sa website ng BIR ang mga kailangang form na www.bir.gov.ph
Maaari rin bayaran ang buwis sa authorized agent bank revenue collection officers at sa online payment para sa hindi magawang makapunta sa BIR offices at ayaw pumila gamit ang Gcash, credit cards at iba pa.
Para naman sa mga nais mag-online payment pero hindi marunong; maaari pa ring magtungo sa BIR district offices at magpatulong sa tax filing assistance centers.
Paalala ng BIR, bukas ang opisina sa Diliman, Quezon City sa April 6 at 13 kahit araw ng Sabado mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon para tumanggap ng filers sa Caloocan City, Manila, Quezon City at Makati City.
Bukas din ang ilang authorized agent bank sa mga nabanggit na petsa hanggang alas-5:00 ng hapon.
250