PAGBUO NG DEPT. OF WATER MINAMADALI

bong go55

(NI NOEL ABUEL)

TINITIYAK ni Senador Bong Go na maganda ang idudulot ng pagkakaroon ng Department of Water para makatulong sa pagkakaroon ng maayos na supply ng tubig sa bansa.

Sinabi ni Go na naniniwala itong ang panukalang pagtatayo ng  Department of Water ay magsisilbing ahensya na tututok sa pangangasiwa ng yamang  tubig ng  bansa.

Ayon sa senador, kailangan na maging mas mabilis  at mas maaasahan  ang pagresponde  ng  gobyerno pagdating sa pangangailangan ng publiko sa malinis at sapat na tubig at hindi dapat mahirapan dahil sa kapalpakan ng mga water concessionaires.

Sa kabila nito, nilinaw ni Go na patuloy nitong pinag-aaralan ang panukala kung saan kinokonsulta nito ang mga kasamahan  sa Senado at mga ahensiya ng pamahalaan.

Ang pahayag ay ginawa ni Go kasunod ng mga panukalang  madaliin ang pagtatatag ng Department of Water bunsod ng  napipintong water supply interruptions sa Metro Manila.

Una nang hiniling ng senador kay Pangulong Rodrigo Duterte na repasuhin ang kontratang pinasok ng Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Co. dahil sa sinasapit na kahirapan ng taumbayan sa supply ng tubig.

Tiwala ito na aaksyon ang Pangulo lalo na at nagalit ito dahil sa sinasabing water shortage na nararanasan ngayon.

Giit pa ng senador, dapat na isipin ng mga water concessionaires na obligasyon nito na sundin ang kontratang pinasok na bibigyan ng maayos na supply ng tubig ang mga consumers at hindi para pahirapan.

 

149

Related posts

Leave a Comment